SIM REGISTRATION ACT – HINDI ISANG PILAK NA BALA LABAN SA PANDARAYA

Kinastigo ng ilang senador ang National Telecommunications Commission (NTC) dahil sa kabiguan nitong epektibong maipatupad ang mga probisyon ng SIM registration law (Republic Act No. 11934) na sinasamantala ng mga scammer sa paggamit sa iba’t ibang Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) na gumawa ng mga aktibidad ng pandaraya at scamming at patuloy na nambibiktima ng mga tao. Ayon kay Senator Win Gatchalian, naging maluwag ang NTC sa pagpapatupad ng SIM Card Law na sinabi niyang humantong ito sa pagdami ng mga aktibidad sa pag iiscam na ginagawa sa pamamagitan ng text messaging.

Binigyan-diin niya na ang pangunahing layunin ng batas ay “upang magbigay pananagutan sa mga gumagamit ng
SIM card” at tulungan ang mga tagapagpatupad ng batas sa pagsubaybay at pagtunton sa mga kriminal na gumagamit ng mga cellphone upang gumawa ng pandaraya. Dahil tila napabayaan ng NTC ang kanilang responsibilidad ay nagpatuloy na gumagamit ng mga SIM card ang mga scammer sa industriya ng POGO na walang tigil at pag aalinlangan. Tinukoy ang kamakailang pagsalakay ng mga pulis sa mga POGO partikular sa Smartweb Technology Corp. sa Pasay City, Zun Yuan Technology sa Bamban Tarlac at sa Lucky South 99 sa Porac, Pampanga ay tuloy-tuloy na natutuklasan ang napakalaking mga bilang ng mga SIM card na ginagamit sa panlilinlang at pag-iiscam na mga aktibidad.

Sa kasagsagan ng pagsalakay sa Zun Yuan POGO hub ay natuklasan ang mga rehistradong SIM cards na nasa ilalim ng mga huwad na pagkakakilanlan, gayundin ang iba’t-ibang telepono na nilayon para sa pandaraya (scamming). Sinabi ng mga awtoridad na ang mga SIM card ay ginagamit sa pagsasagawa ng mga love scam, cryptocurrency scamas, at iba pang investment scams. Natuklasan din ng mga awtoridad sa South 99 hindi lamang mga SIM card kundi iba’t-ibang aparato sa telepono, mga droga, at mga gamit sa pagpapahirap (torture). Sinabi naman ni Senator Grace Poe na kailangang “manguna sa laban” ang NTC kontra sa mga text scammer sa pigiging mas proactive, umisip ng “mga epektibong mekanismo” upang tugunan ang mga alalahanin ng mga gumagamit ng SIM card at
turuan sila ukol sa spam filters.

Pagdiriin niya na “hindi isang balang pilak ang SIM Registration Act laban sa messaging scams” at ito ay nilayon na maging isang sama samang pagsisikap ng lahat ng ahensiya ng gobyerno at mga sektor kung saan ang NTC ang mangunguna sa laban. Ilan lamang ito sa mga nabunyag na kriminal na mga aktibidad gamit ang mga SIM card. Napakarami ring hindi naiuulat sa mga balita na naging mga biktima ng pandaraya sa online at text messaging, kalimitang biktima ang mga inosente at mga karaniwang mamamayan na madaling mabuyo sa ganitong mga scam o pandaraya’t panlilinlang. Hindi sukatan kung gaano kalaking halaga ang nawawala kundi ang pagiging tuloy tuloy, walang pag-aalinlangan at pagiging talamak na ng ganitong masamang aktibidad na ginawang inutil ang SIM Registration Act.

Halos dalawang taon na mula nang ipatupad ang batas, ang mga aktibidad sa scamming ay tumaas ng malaki, taliwas sa inaasahan. Mas masama pa, tila naging depektibong batas na nagbuyangyang lamang sa pagnanakaw sa datos ng mga gumagamit ng smartphone na tinipon ng mga telecommunication companies. Ang nakapagtataka pa ay alam naman ng NTC ang mga ginagamit at pamamaraan ng mga scammer at hackers na ito at inaamin ang pagpapatuloy ng mga text scam subalit tila lumalabas na mas magaling pa ang mga kriminal na ito kaysa sa mga tao dyan sa NTC na pinagkatiwalaan ng pamahalaan at ng mga mamamayan. Masakit sabihin ngunit tila lumalabas na naging inutil lamang sila habang hinihintay at pinapanood ang susunod na mga hakbang ng mga kriminal na walang magawa.

Sa huli, ang SIM Registration Act ay isa na naman sa mga ‘ligal na ipinagbabawal’ kung saan ngayon ay isang pababawal sa mga hindi rehistradong SIM. Ipinapamulat sa atin na ang mga legal na ipinagbabawal ay kalimitang hindi epektibo, dahil nagiging malikhain ang mga tao (lalo na ang mga kriminal) na gagawin lahat na paglaruan ang
anumang pagbabawal. May naaalala ba kayong ganyan? Ika nga sa kasabihan, ‘ang taong nagigipit sa patalim man ay kumakapit o kaya’y kapag hinihigpitan ay lalong nagwawala. Kung patuloy ang mahinang pagtugon sa problema sa mga scam at hacking ay napakalaki ang mawawala sa dapat na potensiyal ng batas kalauna’y mas marami pa ang mabibiktima na hahangga sa paghina ng ekonomiya ng bansa.

Amianan Balita Ngayon