Taas-presyo sa langis, hindi mapigilan ng DOE

Inihayag ng mga opisyal ng Department of Energy na walang magawa ang mga ito upang pigilan ang pagtaas ng presyo ng mga produktong langis sa lungsod bunsod ng kompetisyon sa presyo ng mga sangkot sa deregulated oil industry.
Sa isinagawang pagtatanong ng konseho ng Baguio sinabi ng mga opisyal mula sa central at Luzon field offices ng DOE na isa sa mga dahilan ng mataas na resyo ng langis sa lungsod ay ang transport, holding at iba pang incidental costs ng mga dealer sa pagdadala ng suplay mula San Fernando City, La Union patungo sa Baguio.
Ayon naman sa mga lokal na gas dealer, hindi nila maibaba ang presyo ng langis dahil idinidikta ito ng kanilang mother companies na naka-base sa Manila at ang kinikita nila sa kanilang operasyon ay hindi na mababago.
Kamakailan ay inimbita ng City Council ang mga opisyal ng energy department, local gas dealers at kanilang counterparts sa Metro Manila upang ipaliwanag kung bakit ang presyo ng langis sa lungsod ay mas mataas kumpara sa presyo sa lowlands nang P4 hanggang P5 kada litro kung ang distansya mula sa depots sa La Union ay nakapirmi sa 67 kilometro.
Ayon sa mga opisyal ng DOE, ang papel ng energy department ay tignan ang kalidad at dami ng mga produktong langis ngunit ang presyo ay nakadepende sa discretion ng oil players dahil ang oil industry ng bansa ay deregulated.
Nagdesisyon ang konseho na aprubahan ang isang resolusyon na ipapadala sa mother companies ng oil players na pababain ang presyo ng langis sa lungsod upang maiwasan na ang mga residente ang maghirap sa pagbabayad sa mataas na presyo kung maaari naman itong pababain at ipantay sa presyo ng lowlands.
Hiniling din ng konseho sa Philippine Competition Commission (PCC) na imbestigahan ang diumano ay sabwatan sa oil industry para manatiling mataas ang presyo ng langis na nagbibigay sa kanila ng mataas na kita.
Sinabi naman ng mga kinatawan ng transport groups sa Baguio at Benguet na patuloy ang pagbaba ng arawan nilang kinikita bunsod ng lingguhang pagbabago sa presyo ng langis, idagdag pa ang pagkakaiba sa presyo ng langis sa city at sa lowlands.
Anila, kailangang tugunan ito ng lokal na pamahalaan upang makaluwag din ang mga motorista at publiko. PIO Baguio / ABN

Amianan Balita Ngayon