Bilang ng mga namamatay na sanggol, bumaba sa Baguio

Bagaman tumaas ng 3.32 porsyento ang naitalang namatay na katao noong 2016 kung ikukumpara noong 2015 ay inulat ng civil registry office na bumaba ang mga naitalang bilang ng mga namamatay na sanggol.
Ito ay inihayag sa ginanap na Monday flag-raising ceremony sa city hall noong Pebrero 6 bilang paggunita sa Civil Registration Month na may temang “Pilipinong Rehistrado, Matatag na Kinabukasan ay Sigurado”.
May naitalang kabuuang 2,489 na pagkamatay sa lungsod noong nakaraang taon habang 2,409 ang naitala noong 2015.
Sa kabila nito ay inilahad ni civil registry office head Sylvia Laudencia na ang infant deaths (mga sanggol na wala apng isang taon) ay bumaba nang 11.65 porsyento kung ikukumpara noong 2015.
“This decrease shows that the city’s program on maternal and child health has been effective,” giit ni Laudencia.
Idinagdag nito na 1,336 o 53.68 porsyento ng kabuuang bilang ng mga namatay noong nakaraang taon ay mga nasa 60anyos pataas.
Ayon pa sa ulat, noong 2016 ay may 1,667 kasalan na ginanap sa lungsod na tumaas nang 2.71 porsyento kumpara noong 2015. Sa naturang bilang, 665 pares o 39.8 posyento ang ikinasal sa ilalim ng civil ceremonies habang sa 60.29 porsyento ay mga pari, pastor, o imam ang nagkasal.
Iniulat din ng civil registry office na may iprinoseso silang 1,343 petitions para sa pagpapalit ng first name at correction ng clerical errors noong nakaraang taon na nakabuo ng halagang P1,373,500 o 40.08 porsyento ng kabuuang koleksyon nito na P3,426,200.
Pinasalamatan ni Laudencia si Mayor Mauricio Domogan, Vice-Mayor Edison Bilog at mga miyembro ng city council para sa patuloy na pagsuporta ng mga ito sa mga programa ng civil registry office. GK / PIO / ABN

Amianan Balita Ngayon