Isang taga-HK, 2 pang pusher huli sa buy-bust

Tatlong hinihinalang drug pusher na kinabibilangan ng isang Hong Kong national ang nahuli ng otoridad sa isang buy-bust operation noong Pebrero 8 ng hapon sa Sgt. Floresca, Malvar, Aurora Hill, Baguio City.
Nahuli ng anti-narcotics agents ng Philippine Drug Enforcement Agency-Cordillera sina John Daryl Malicdem Villanueva alias “Jhong Villanueva”, 30, tubong Benguet at residente ng Leonila Hill, Baguio City; Joemar Roblas Cañaveral, 39, Hong Kong national, tubong Canaman, Camarines Sur at residente ng Graham Street, Central Hong Kong at Asin Road, Baguio City; at si Clint Joseph Ambrosio Macachor, 28, tubong Metro Manila at residente ng San Antonio, Aurora Hill, Baguio City matapos na magbenta ang mga ito ng dalawang heat-sealed transparent plastic sachets ng hinihinalang shabu na tinatayang nagkakahalaga ng P14,000 sa isang undercover agent.
Nakuha rin ng otoridad ang buy-bust money, ilang drug paraphernalia at isang mobile phone mula sa tatlong suspek.
Kakaharapin ng tatlo ang kasong paglabag sa Section 5 (Sale of Dangerous Drugs) in relation to Section 26 (Conspiracy) sa ilalim ng Article II ng Republic Act Number 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. Ace Alegre

Amianan Balita Ngayon