BAUANG, La Union – Pormal na inilunsad sa Ilokos ang Regional Task Force to End Local Communist Armed Conflict (RTF-ELCAC) sa ginanap na sabayang pagpupulong ng Regional Development Council at Regional Peace and Order Council (RDC-RPOC) noong Biyernes, ika-pito ng Hunyo sa Hotel Ariana, Bauang, La Union.
Pinangunahan ni Secretary Hermogenes Esperon Jr., Cabinet Officer for Regional Development and Security (CORDS) ng Rehiyon I at ang papaalis na pinuno ng RPOC at Senator-elect Imee Marcos ang paglunsad ng RTF-ELCAC na dinaluhan ng mga matataas na opisyal ng militar, pulis, mga lokal na pamahalaan at ahensya ng gobyerno; mga miyembro ng RDC; at mga representante ng mga pribadong sektor sa rehiyon.
Layunin ng pagbuo ng RTF-ELCAC na wakasan ang problema ng insurhensia sa rehiyon sa pamamagitan ng “convergence approach” ng mga ahensya ng gobyerno batay sa alituntunin ng Executive Order 70 na pinirmahan ni Presidente Rodrigo Duterte noong
Disyembre 4, 2018.
Ang istruktura ng RTFELCAC ay naaayon din sa istruktura ng National Task Force (NTF) – ELCAC at ito’y ibababa hanggang sa mga barangay.
Sinabi ni Esperon na ang unang hakbang na gagawin ng RTF ay ang agad na pagtitipon ng mga miyembro ng core secretariat pagkatapos ng pagpupulong.
Ang secretariat ay binubuo ng mga opisyal mula sa mga ahensya ng NEDA, DILG, NICA, AFP at PNP.
Ayon kay Esperon, pag-uusapan ng secretariat ang mga plano at hakbang ng RTF na gagawin sa hinaharap.
Aayusin ng secretariat ang mga programa at serbisyo ng mga ahensya ng gobyerno sa rehiyon sa pamamagitan ng pagbuo ng 12 na cluster na naaayon sa NTF-ELCAC.
Kabilang sa 12 cluster ay ang mga sumusunod: Situational Awareness and Knowledge Management na pangungunahan ng NICA; Local Government Empowerment – DILG; Legal Cooperation – OSG; Strategic Communication – PCOO/PIA; Sectoral Unification, Capacity-building and Empowerment – DOLE, DA, DEPED, NCIP, DILG, OPAIPC, PCUP, PCW, NYC, CHED at BFAR; Basic Services – DILG; Poverty Reduction, Livelihood and Employment – TESDA; Infrastructure, Resource Management and Employment – DENR and DPWH; Localized Peace Engagement – DILG at OPAPRU; Peace, Law Enforcement and Development Support – DND; E-CLIP and Amnesty Program – DND at DILG; at International Engagement – DFA.
Sa mga susunod na sabayang pagtitipon ng RDC at RPOC, ang CORDS ang tatayong presiding officer. Tatalakayin sa pagpupulong ang mga updates at pangangailangan ng mga residente mula sa mga probinsya na bumubuo ng Rehiyon I na kinabibilangan ng Ilocos Norte, Ilocos Sur, La Union at Pangasinan.
Batay sa resulta ng pagmamanman ng mga operatiba ng AFP sa rehiyon, ang probinsya ng Ilocos Sur ang may problema sa insurhensia dahil sa presensya ng kaunting bilang ng New People’s
Army (NPA) sa bulubunduking bahagi nito.
Samantala, ramdam din ang presensya ng mga legal front ng CPP-NPA-NDF sa mga ilang bayan at siyudad sa rehiyon.
AMB/FGL, PIA 1/ABN
June 15, 2019
June 15, 2019
April 19, 2025
April 19, 2025
April 19, 2025
April 19, 2025