2 foreigner at tatlo pa huli sa droga at armas

LA TRINIDAD, Benguet – Sa magkakasunod na police operation, limang katao, kabilang ang dalawang foreigner ang nasakote sa illegal drugs at illegal firearms, ayon sa Police Regional Office-Cordillera.
Nabatid kay Police Brigadier General Israel Ephaim Dickson, regional director, dalawang Sudanese national at kasamahan nilang Filipino, ang dinakip ng mga tauhan ng BCPO-Station 8, PDEA at NBI sa isinagawang search warrant operation sa kanilang bahay sa
San Vicente, Baguio City.
Nakuha ng mga raiding team ang 14 pirasong plastic sachet na naglalaman ng shabu at mga assorted drug paraphernalia mula sa mga suspek na sina Sami Saifeldin Osman, 26 at Mohamad Ali, 27, kapuwa estudyante at ang kasamahan nilang si Dan Hill Valentin Calibuso, 29, plumber, ng Marcos Highway, Baguio City.
Samantala, hindi nakalusot ang drug suspek na si Bryner Filog Tagtag, 32, ng M. Roxas Street, Baguio City, nang dakpin ito ng mga tauhan ng CDEU, Station 7 at CIU matapos magbenta ng dalawang sachet ng pinaghihinalaang shabu at marijuana leaves sa naganap na buybust operation sa may Barangay Salud Mitra, Baguio City.
Mga bala at magazine ng baril ang nakumpiska naman ng mga tauhan ng BCPO-Station 8, RIU-14 at CIDG, sa bahay ni Helen Rivera Binay-an, sa isinagawang implementasyon ng search warrant na inisyu ni Judge Mervin Jovito S. Samadan, ng Branch 70, RTC, 1st Judicial Region, Burgos, Pangasinan, sa bahay nito sa Pias, Camp 7, Baguio City.
 
Zaldy Comanda/ABN

Amianan Balita Ngayon