TATSULOK NG TRIANGGULO

SALPUKAN na ba ng mga kandidato? Sa loob ng mga susunod na araw ng bagong buwan ng Oktubre, mula ika-isa hanggang ika-8, magkakaalaman na kung sino ang mga kasali sa karerang halos isang taon pa ang pagtatapos. Ang sabi nga ng isang taal na Tagalog – laking Quezon at Batangas – “Ala eh, parang karera ng daga sa peryahan!” Huwag naman sanang mainsulto ang mga daga, dahil wala namang mga pusa na gumagala. Nasambit Kong tatsulok dahil na nga ang anumang kumpetisyon ay may ganitong pagsusuring nagaganap.

Una, ang kandidatong mga mata ay namumugto dahil ilang buwan, linggo, at araw ding hinintay ang makabagbag damdaming pagkilala ng kanilang paghain ng kandidatura. Pangalawa,walang dudang magkakaalaman na kung totohanan na ang kay tagal ding kimkim ng loob. Kung sino-sino ang makakatunggali sa halalang darating. At pangatlo, ang taong bayan mismo ang makakahinga na ng maluwag. Malalaman na ang seryoso at ang palabiro.

Totoo naman na kapag naisampa na ang mga papeles na kailangan sa Comelec, totohanan na ang karerang pagtatalunan. Kapag nakahain na, wala ng atrasan, wala ng bawian. Ganun?  Eh bakit baga – ang dagliang nakisabat na aking bisita – “sa amin sa Batangas, hindi pa nag-iinit ang naihaing papel, ay kusang iniaatras”? Nadala ba sa “maboteng usapan”? Nabago ba ang hangaring “maglingkod” sa masusing talaga yan? Sa ating lugar, Wala tayong mga pangyayari na kung saan ang kandidato ay umatras ng daglian sa kung anumang kadahilanan.

Karapatan at kalayaan ng sinoman ang mabago ang hangarin, ang mapagtanto na isang kamalian ang nangyari. Ang siste dito sa atin, kapag nagsampa na ng kandidatura, taimtim at banal ang hangarin na magsilbi at maglingkod. Tayo ay nasa demokrasyang maituturing, at isang karangalan ang masabing minsan ay naipahayag ang nasang makapagsilbi ng tuwiran. Kaya naman, sa gitna ng mga Marites at Maricon na ngayon pa lang ay umuugong sa ingay, na si ganitong kandidato ay hindi totohanan sa hangarin, paniwalaan pa rin natin na sa dulo, ang mga nakalista na kalahok ay sila pa rin hanggang dulo. H

indi muna natin papangalanan ang mga magsasalpukan para sa mga posisyong paglalaban. Patapusin natin hanggang sa huling araw kung sino-sino ang mga pangalang matagal ng pumapaimbog sa ating kamalayan. Ilang araw lang na paghihintay. Magwawakas din ang agam-agam. Matutuldukan din ang mga hinaing at daing kay tagal ding kinimkim.

Amianan Balita Ngayon