Taxi driver, sinakal at hinold-up

Isang taxi driver ang sinakal at hinold-up ng tatlong hindi pa nakikilalang mga suspek noong Pebrero 6, 10:50 ng gabi sa Ambiong Road, Ambiong La Trinidad, Benguet.
Kinilala ang biktima na si Restituto Valencia Bautista, 52 anyos at nangungupahan sa Busol Watershed, Aurora Hill, Baguio City.
Ayon sa biktima, isinakay niya ang tatlong suspek na hinihinalang nasa impluwensya ng alak sa Magsaysay Ave. ng nasabing lungsod bandang 10pm ng parehong araw.
Sa kanyang salaysay, isa sa mga suspek ay umupo sa harap habang ang dalawa niyang kasama ay pumuwesto sa likod at nagpahatid sa Beckel, La Trinidad.
Habang binabagtas nila ang kahabaan ng Beckel-Lamut-Shilan Road Extension, inutusan siya ng isa sa mga suspek na ihatid sila sa Ambiong na sinunod niya.
Pagdating sa isang madilim na lugar sa  Ambiong Road pinahinto siya umano at isa sa mga nasa likod na suspek ang sumakal sa kanya at sinabihang “ ited mu amin nga biruk mu” habang  hawak ng kasamahan nitong nasa harap ang kanyang kanang kamay.
Dahil sa sobrang takot, napilitang ibigay ng biktima ang kinita niya sa buong araw na pagpapasada na nagkakahalaga ng P2,800. Ayon sa biktima wala siya umanong nakilala sa mga suspek dahil ipinasara nga mga ito ang mga ilaw ng kanyang sasakyan. LALAINE T. PAYAY, UB Intern

Amianan Balita Ngayon