LA TRINIDAD, BENGUET – Binuksan ang 1st La Trinidad Coffee Festival sa municipal gym noong Pebrero 26 sa pangunguna ni Mayor Romeo K. Salda kasama ang iba’t ibang grupo ng mga nagtatanim ng kape upang ipagdiwang at kilalanin ang mga nagsusulong sa industriya ng kape na nagbigay ng ambag sa pagtaas ng ekonomiya ng bayan.
Tampok sa pagdiriwang ang mga produktong kape ng La Trinidad at ang pagkilala sa kontribusyon ng lokal na coffee farmers sa ekonomiya nito.
Ang dalawang araw na selebrasyon na may temang “Brewing Unity Through Coffee” ay dinaluhan ng mga coffee stakeholders para pag-usapan ang mga maaaring mangyari sa industriya ng kape sa munisipalidad.
Ayon kay Municipal Agriculturist Felicitas Ticbaen, halos lahat ng barangay sa munisipalidad ay may tanim na kape. “Gusto naming magbigay ng importance dun sa pagtatanim ng coffee ng ating mga farmers at siyempre malaki ang maitutulong nito sa kanila lalo na sa kanilang kabuhayan.”
Dagdag pa ni Ticbaen, ang kape ay isa sa mga importanteng produkto ng bansa kaya paiigtingin nila ang organisasyon ng mga farmers sa La Trinidad para sa ikakabuti ng mga coffee farmers. “We would really like the stakeholders to come together para dun sa coffee production and since isa ang Philippines sa top coffee user, why don’t we produce our own coffee and at the same time we can also consume our own coffee.”
Inanyayahan din niya ang mga farmers na magtanim ng mga kape sa kanilang bakuran dahil kasama ang kape sa mga high value crops sa bansa.
Naghanda ang mga organizers ng iba’t ibang programa para sa Coffee Festival na kinabibilangan ng barista demonstration, coffee roasting at coffee spa. Itinampok din sa festival ang iba’t ibang produktong gawa sa kape tulad ng pasties, wine, sabon at iba pang mga beauty products.
Ilang mga coffee business establishments din ang inanyayahang makilahok sa pagdiriwang ng Coffee Festival, 15 participants ang dumalo na nagpakita ng paggawa ng kape at mga produktong gawa sa kape.
Inaasahan ng mga organizers na magpapatuloy ang taunang selebrasyon ng Coffee Festival sa mga susunod pang taon. ALLAN LEMUEL C. SUNGA, UB Intern / ABN
March 3, 2018
March 3, 2018