Wala munang mga reunion, hiling sa mga taga-Benguet

LA TRINIDAD, Benguet – Ilang araw na lang bago ang Pasko, umaapila ang pamahalaang probinsiya sa mga residente na kanselahin ang mga family reunion at iba pang pagsasalosalo upang mapigilan ang pagtaas ng mga kaso ng coronavirus disease 2019 (Covid-19).
“We would like to appeal to all residents of the province to abide by the prohibition in the conduct of traditional Christmas carols, parties, clan reunions, and all other crowddrawing Christmas events,” pahayag ni Governor Melchor Diclas sa isang advisory.
Inihayag ang apila ni Diclas matapos ang pagpupulong ng Provincial Inter-Agency Task Force (PIATF) on Covid-19 kung saan lahat ng 13 municipal mayors ng probinsiya at iba-t-ibang departamento ng provincial government ay nagkasundo na istriktuhan ang paggalaw ng tao upang makontrol ang paglaganap ng Covid-19.
Ang mga pamilya at angkan sa Benguet ay isinasagawa ang kanilang tradisyunal na reunion sa Disyembre kung saan lahat o karamihan sa mga miyembro ay nasa bakasyon. Ang mga reunion na ito ay idinadaos habang umiinom ng “tapuey” at pagkatay ng ilang mga hayop na pagsasaluhan nila.
Kalimitang may pagtugtog ng ganza at pagsayaw ng mga tradisyunal na sayaw bilang pasasalamat sa nagdaang taon, na dinadakuhan ng maraming tao mula sa pinakabata hanggang sa pinakamatandand miyembro ng pamilya o angkan.
Inutusan ni Diclas ang police sa probinsiya na arestuhin ang mga taong lasing, bilang paghadalng sa hindi pagsunod sa health protocols.
Tinukoy ang Benguet ng University of the Philippines OCTA Research bilang isa sa mga probinsiya sa buong bansa na may mataas na paglaganap ng mga kaso ng Covid-19, inuuri itong isa sa high risk areas dahil sa naitalng mga kaso.

Amianan Balita Ngayon