WALANG DISTANSYA SA PASKO

KAKALUNSAD ng Ang Enchanting Baguio Christmas (AEBC) 2024, ang taunang selebrasyon na pinangunguluhan ng Baguio Tourism Council. Napakaayos ng ginawang paghahanda. Talaga namang walang iniasa sa tsansa ang pagka-organisa ng pasinaya. Patunay ito na basta merong hinawakang programa ang BTC, laging nakatuon hanggang sa kahuli-hulihang detalya si Gladys Vergara, ang punong abala ng organisasyon na ilang mga 12 sektor ang kasapi. Inayos ang Rose Garden, nagtayo ng stage upang doon ay maiparating ang mga mensahe ng BTC na mismo ang ating Ama ng Bayan, si Mayor Benjie Magalong, ang nagbigay ng makahulugang pagsuporta.

Hindi rin naman nagkulang ang mga matataas na opisyal – sina Bise Mayor Tino Olowan, ang mga Konsehal ng
Sangguniang Panlungsod at ang mga pinuno ng mga departamento ng City Hall. Magmula pa ng 2019, sa
pagsisimula ng panguluhan ni Gladys, ay taunan ng laging inilunsad ang AEBC, na siyang pangunahing kontribution ng BTC sa panahon ng Kapaskuhan na sinimulan nga noong Webes, ika-28 ng Nobyembre. Malaking halaga na ang Tourism Council ang siyang binigyan ng tungkulin upang ang Kapaskuhan ay pamahalaan ng BTC. Ang turismo ay lagi namang dagsa sa Baguio sa ganitong panahon. Isang pagpupugay ang ating ibigay, mula sa puso, sa inisyatibo pinaghandaan taun-taon, para lamang tayong taga Baguio ay makapagdiwang at maipamalas ang kakayahang tunay na kakaiba ang selebrasyon ng Pasko.

Sa taung ito, lalo pang naging pagkakataon na maihayag ang sama-samang pagsasabalikat ng mga programang inaasahan matapos na dumaan ang sunod-sunod na hamon ng panahon. Tunay na dapat lamang na ipagsaya ang mga araw at linggo ngayong wala tayong inaasahang hagupit ng mga bagyong nagdaan. Pagkatapos na ang Baguio ay bisitahin ng sunod-sunod na bagyo – bagay na hindi dapat ikagulat – ay panahon naman na ating ipagpasalamat na kahit na ilang mga araw na hanggang ngayong araw ng Linggo ay makakahinga tayo ng buong laya at sasalubungin ang himig at kulay ng isang Kapaskuhan ng walang ng panahon. Kung noong mga nakaraang araw ay pumopsisyon tayo sa prosisyon ng mga pagsungit ng panahon, ngayon naman ay pawang posisyonan naman ang ating nararanasan.

Para saan? Aba, wala pang isang taon, salpukan na ng mga isinasabong na manok sa labanan ng mga nasa ay
mabigyan ng pagkakataong manilbihan. Ang siste lamang, tila yata base sa talaan ng mga nangangasiwa ng darating na eleksyon, hindi na kagulat-gulat ang mga pangalang ibinabandera sa atin. Huwag ka, pare-parehong mga ngalan
ang siyang nakahelera. Mga ngalan na ilang mga taon ring nabigyan ng mandato na pangasiwaan an gating buhay sa Baguio. Ang higit na tumawag ng ating pansin ay ang tila walang pakundangang ibandera sa mga manghahalal ang iisang apelyido na hangad ay manilbihan ng sabay sa mga pinakamahalagang posisyon – ang pagiging Alkalde at
Kongresista na siyang uukit ng tadhanang para sa Baguio.

Uulitin ko ang panawagan nang isang linggo lamang. Kataka-taka ito. Kamangha-manga. Kasi nga naman, sa tanang kasaysayan ng lungsod, ngayon lang natin naranasan na iisang ngalan ang babalangkas ng tungkuling abot-kaya naman ng sinomang may matapat na hangarin, may abilidad na mamuno, at may layuning isulong ang kapakanan ng bawat tao, residente man o turistang ating inaakit upang mag 2 o 3 araw man lamang ng paglugar sa lungsod.
Ngayon lamang nangyari na mag-asawa ang naghahangad na maging mga pangunahing pinuno ng Baguio. Si Mister para maging Mayor, si Misis naman ay para maging tinig sa Kongreso.

Kaya nga ang madalas nating marinig – Ano ba yan, wala na bang iba? Meron bang nakaligtaang gawin nang
nanunungkulan pa sa Kongreso? Ating tanggapin na karapatan ng sinoman na maging layunin din ang maglingkod. Kung kaya naman, bakit iismiran at tataasan ng kilay ang ganyang sitwasyon? Kanilang desisyon ang ilaan ang sarili
sa pagsusuri ng madla. Oo nga’t ang karapatan ay bukas para sa lahat at wala dapat na maging sagabal upang hadlangan ito, walang batas na nagbabawal dahil ang karapatang mahalal ay nasa taong bayan. Ngunit, at dito ay mariin nating binibigyang tinig ang naisambulat sa ating pananaw, wala bang karapatan ang iba na mabigyan ng pagkakataon upang makapagsilbi rin?

Hindi ba’t kapag ang posisyong inilaan ay tila ginawang halimbawa ng iisang pamilya na kanila lamang at wala ng iba, tumataliwas ito sa tradisyong maka-demokratiko at sa kulturang Pinoy na ang bawat isa ay may pantay-pantay na oportunidad upang makapaglingkod rin? Eto ang bagay na mariing ipinagduduldulan sa lalamunan ng bawat taga-Baguio. Hayagan at walang pakundangan na ipinahihiwatig sa atin na anumang naisin ay kanilang isusulong hindi para sa interes na pampubliko, kundi upang isulong ang sariling interes. Sila lamang daw ang sakdal na may karapatan upang magsilbi at wala ng iba pa. Uulitin natin: walang ng iba pa.

Dito natin masusukat kung gaano ang pagsisidhi na mangingibabaw si Pinoy, sa kanyang nasa na bigyang sigla ang demokrasya ng eleksyon. Habang hinahambalos si Pinoy ng sandamakmak na siphayo sa kalooban, buo pa rin ang
kanyang katatagan upang tanggihan at supilin ang mga nag-aalipusta sa kanyang kulturang maka-demokratiko. Dito natin biglang naaalala na ang buhay Pinoy ay isang umiinog na turumpo, anumang uri ng trahedya o komedya ang
dadaan sa kanyang buhay. Kung ngayon ay kanyang kinakaya ang pagbangon, kaya rin niyang maisulong ang tradisyon ng pantay-pantay na pagtingin sa pag-inog at pag-agos ng buhay pulitika. Babangon at aahon tayo sa
kinasasadlakan.

Kaya natin iyan Pinoy, kaya nating pigilan ang pagbalahura sa mga tradisyong ating kinagisnan at kinalakihan. Kaya nating pigilan ang lantarang pagyurak sa kulturang naging buhay na simbolo ng iyong pagiging malaya, maging pantay-pantay, maging maka-demokratiko. Mabuhay ang Pinoy na kahit sa pagwalis ng mga bagyo, kahit na sinadlak sa kadiliman, ay nakukuha pa ring ngumiti at humalakhak, ang sumayaw sa indayog ng ulan, at namnamin
ang bawat patak na galing sa kalangitan. Tunay kang pinagpala at pinahahalagahan ng tadhanang iyong abot tanaw.
Lumaban ka Pinoy!

Amianan Balita Ngayon