Women’s provincial congress, idinaos ng Benguet

LA TRINIDAD, BENGUET – Idinaos ng lalawigan ng Benguet ang Women’s Congress sa Provincial Capitol gym noong Miyerkules, Marso 8, bilang bahagi ng taunang selebrasyon ng Women’s Month sa bansa.
Sa temang “We make change work for women,” layunin ng programa na ipaalam sa kababaihan ang kanilang mga karapatan at responsibilidad sa lipunan.
Ipinakita ng iba’t ibang organisasyon ng mga kababaihan mula sa 13 munisipyo ng Benguet ang kanilang mga talento sa pag-awit at pagsayaw ng katutubong sayaw ng lalawigan.
Pinaalalahanan naman ni Governor Crescencio Pacalso ang kababaihan sa kanilang mga responsibilidad sa kanilang mga pamilya lalo na sa tamang pagpapalaki sa kanilang mga anak para matahak nila ang tamang daan.
Kinilala naman ni Board Member Jim Botiwey ng provincial committee on social welfare ang mga tulong na naiaambag ng kababaihan sa lipunan. “We believe that women can be better than men. Women can be greater than us, men. Women, you are really a part of the society and the world cannot go without you,” aniya.
Nagkaroon din ng pulong na tumatalakay sa Anti-Violence Against Women and their Children o Republic Act 9262, ang batas na nagbibigay ng proteksyon sa kababaihan at mga bata.
Sinabi ni Prosecutor Ruth Bernabe ng Baguio City na bagaman may batas na pumoprotekta sa kababaihan, may mga kwalipikasyon pa rin. “Kailangan may relasyon kayo, whether mag-boyfriend or girlfriend, mag-asawa o may common child kayo, yun ang sakop ng RA 9262,” aniya.
Nilinaw rin niya na hindi lahat ng violation sa kababaihan ay maipapasailalim sa RA 9262. Malou Aticao, UB Intern

Latest News

Amianan Balita Ngayon