2 minero, patay sa gas poisoning

CAMP DANGWA, BENGUET – Dalawang minero ang iniulat na namatay dulot ng gas poisoning sa loob ng mine tunnel noong Lunes, Hulyo 31, sa bayan ng Itogon, Benguet, ayon sa ulat ng Benguet Police Provincial Office, La Trinidad, Benguet.
Kinilala ni Senior Superintendent Florante Camuyot, provincial director, ang biktimang sina Robert Binay-an Gorteza, 28,  at pinsan nitong si Anthony Gorteza Salas,30, kapuwa tubong Bagulin, La Union at naninirahan sa Mill Site, Barangay Gumatdang, Itogon, Benguet.
Sa imbestigasyon ng Itogon Municipal Police Station, si Robert ay pumasok sa mine tunnel na kanilang pag-aari dakong ika-8 ng umaga, para kunin ang kanilang mining equipment, sa kabila ng malakas na ulan.
Hindi ito lumabas ng lunch time, kaya sinundan siya ni Anthony sa loob para hanapin, subalit maging siya ay hindi na bumalik.
Naghinala ang mga kasamahan nito na baka na-trap sila sa loob, kaya pumasok si Peter, na kapatid ni Anthony para sila ay hanapin, pero sa daan pa lang ay nakaamoy na siya ng gas, kaya dali-daling lumabas at humingi ng tulong.
Naglagay sila ng blower sa bukana ng tunnel para masuplayan ng oxygen sa loob at makalipas ang ilang oras ay natagpuan ang mga bangkay ng biktima dakong ika-5 ng hapon.  Zaldy Comanda

Amianan Balita Ngayon