2 patay sa motorsiklong nabundol ng dump truck

Dead on arrival sa ospital ang dalawang nakasakay sa motorsiklo matapos na tumilapon ang mga ito sa kalsada nang mabundol ng umaarangkada na dump truck sa national highway ng Sto. Angadal, Cudog, Lagawe, Ifugao dakong 3:10 ng hapon noong Hulyo 31, 2017.
Sa ulat ng Lagawe municipal police, parehong nanggaling sa Hingyon, Ifugao ang dalawang sasakyan. Ang itim na TMX Honda 155 motorcycle na minamaneho ni Ram Auza Aumentado, 37, may-asawa, ay nasa unahan at sinusundan ito ng green B10 Dump truck na minamaneho ni John Mark A. Liwayan, 18, residente ng Poblacion, Hingyon, Ifugao at walang driver’s license.
Pababa sa naturang kalsada ang dalawang sasakyan nang ang driver side ng harap na bumper ng papabilis na truck ay tumama sa likod ng motorsiklo at kinaladkad ito sa opposite lane.
Tumilapon ang driver ng motorsiklo at ang angkas nitong nakilalang si Labagril Zosimo Dalagan. Nagtamo ang mga ito ng pinsala sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Dinala ng mga rumespondeng pulis ang mga biktima sa Natuwolan Clinic ngunit idineklarang DOA ng attending physician na si Dr. Lenuel T. Mondero habang ang driver ng dump truck, na hindi nasugatan, ay sumuko sa mga pulis. Dinala ito sa Lagawe MPS para sa dokumentasyon bago ang pagpila ng kaso nito.

Amianan Balita Ngayon