4 katao sugatan sa karambola ng 13 na sasakyan

Isinugod sa ospital ang apat katao na nasugatan matapos na ang malakas na pagsalpok ng isang 10-wheeler truck sa isang van ay nagbunsod upang madamay sa karambola ang isang motorsiklo, isang sports utility vehicle, at ilan pang pampasaherong jeep at mga taxi noong Hulyo 7 sa kahabaan ng Buhagan Road (dating Bokawkan Road), Baguio City.
Nawalan ng preno ang 10-wheeler Isuzu Giga dump truck, na may plakang RGV 735 at puno ng buhangin at graba, na pababa sa naturang kalsada, na minamaneho ni Rodel Alcaparas Dizon, 35, ng Puguis, La Trinidad, Benguet. Sumalpok ang truck sa isang Isuzu aluminum closed van na may plakang GGG 439 na nakahanay sa kahabaan ng kalsada kasama ang ibang mga sasakyan at motorsiklo dahil sa matinding trapiko.
Ang malakas na salpok ng dump truck sa closed van ang naging sanhi ng domino effect sa mga sasakyang nasa harapan nila.
Kinailangang putulin ng mga rescuer ang parte ng dump truck upang maalis si Dizon mula sa truck at isinugod ito sa ospital. Kinilala ang tatlo pang isinugod sa ospital na sina Lovely de Castro, 37 anyos; Mary Manangan, 22 anyos; at Loven Cawed, 25 anyos. ACE ALEGRE

Amianan Balita Ngayon