School canteen, ninakawan ng menor de edad

Ninakawan ng 14-anyos na binatilyo ang isang school canteen sa pagitan ng 3pm hanggang 4:30pm noong July 6, 2017 sa SLU Laboratory Elementary School, Upper General Luna Street, Baguio City.
Ayon sa ulat, kinilala ang suspek na menor de edad, out-of-school-youth, tubong Liwan, Rizal, Kalinga at kasalukuyang nakatira sa T. Alonzo Street sa lungsod.
Sa imbestigasyon, nakita ni Willy Roque Passadava, security guard ng nasabing paaralan, ang menor de edad sa kahina-hinalang kilos nito na may hawak na maliit na paper bag na naglalaman ng hindi pa malamang halaga ng barya. Ito ang nag-udyok kay Passadava na pigilan ang menor de edad at tumawag ng police assistance.
Dinala naman ng mga personnel ng Women and Children Protection Center (WCPC) ang menor de edad sa kanilang opisina upang imbestigahan.
Bandang 5:30pm ng parehong araw, nakita ni Passadava ang stall number 2 at 3 ng canteen ng paaralan na puwersahang nabuksan.
Ang binatilyo ay isinangguni sa Silungan Center.
Iniimbestigahan pa rin ang kaso.

Amianan Balita Ngayon