AMIANAN POLICE PATROL

52 wanted person nalambat sa manhunt operation sa Cordillera

LA TRINIDAD, Benguet

Arestado ang 52 wanted na personalidad, kabilang ang walong indibidwal na nakalista bilang Most Wanted Person sa manhunt operation sa Cordillera mula Agosto 13 hanggang 19. Batay sa tala ng Regional Investigation and Detective Management Division (RIDMD) ng Police Regional OfficeCordillera, naitala ng Baguio City Police Office (CPO) ang pinakamataas na bilang ng mga naaresto na 18 wanted person, na sinundan ng Benguet Police Provincial Office may 15 arestado; Abra PPO na may anim na arestado; Ifugao PPO na may limang arestado; Mountain Province PPO at Kalinga PPO na may tig-tatlong arestado at Apayao PPO na may dalawang arestado.

Sa walong indibidwal na nakalista bilang Most Wanted Persons (MWP), dalawa ang most wanted personalities sa provincial level, isa sa municipal level, at lima sa station level. Sinabi ni Brig.Gen.David Peredo,Jr., regional director, bilang resulta ng pinaigting na presensya ng pulisya, 54 na munisipalidad sa iba’t ibang lalawigan ng rehiyon at dalawang istasyon ng pulisya sa Baguio City ay nananatiling mapayapa, dahil naitala ng PROCOR ang zero crime incident sa mga ito sa
parehong linggo.

Zero crime incidents ang naitala sa 22 sa 27 munisipalidad sa Abra; lima sa pitong munisipalidad sa Apayao; pito sa 13 munisipalidad sa Benguet; apat sa pitong munisipalidad sa Kalinga; siyam sa 11 munisipalidad sa Ifugao; at pito sa 10 munisipalidad sa Mountain Province. Ang city police stations ng Kennon Road Police Station (PS) 8 at Marcos Highway PS 10 ay nagtala rin ng zero crime incident sa 10 police stations sa Baguio City.

TFP/ABN

Amianan Balita Ngayon