Bangkay ng lalaki, natagpuan sa ilog

Natagpuan ang bangkay ng isang di pa nakikilalang lalaki na lumulutang sa Chico River, Sitio Agodong, Saclit, Sadanga sa Mountain Province noong July 11, 2017 bandang 3:46pm.
Nakatanggap umano ng tawag ang himpilan ng pulis ng Sadanga mula sa isang concerned citizen na isang bangkay diumano ang palutang-lutang sa Chico River. Nang dumating sa lugar ang mga pulis, sa tulong ng health workers ng munisipalidad at ibang sibilyan, ay nagtulong-tulong upang makuha ang bangkay.
Sa panayam kay Lino Tokang Fongafong, 63 anyos, may-asawa, residente ng Saclit, Sadanga, isiniwalat nito na bandang 3pm habang naglalakad pababa ng bundok ay napansin niyang may lumulutang sa ilog, tumigil ito at nakumpirmang bangkay ang nakita. Nang makakita na may parating na sasakyan, bumaba siya sa kalsada at humingi ng tulong upang matawagan ang pulisya.
Ang biktima ay isang lalaki, tinatayang 5’4″ ang taas, 55 hanggang 60 taong gulang, nakahubad at may sugat sa ulo. Ang bangkay ay dinala sa Sta. Rita Chapel, Bontoc at kasalukuyan pa ring inaalam ang pagkakakilanlan.

Police Patrol

AMIANAN POLICE PATROL

Amianan Balita Ngayon