Boss at kasapi ng gun-running syndicate, nadakip sa Abra

LA TRINIDAD, BENGUET – Isang pinuno at isang miyembro ng isang sindikato ng gun-running at gun-for-hire sa Abra at mga kalapit na lalawigan ang nahuli sa bayan ng Pidigan, Abra noong Enero 9.
Si Jeremy Navarette Pinera, na diumano ay leader ng “Jeremy Group” at ang kanyang “Lieutenant” na si Oliver Virgo Sotelo ay nadakip matapos na sinugod ng mga pulis ang kanilang kuta sa Barangay Arab, Pidigan dakong 6:45 ng umaga ng naturang araw.
Nakuha ang isang hand grenade, isang caliber .22 revolver na walang serial number, isang Smith & Wesson Caliber .38 revolver na walang serial number, walong live ammunition ng caliber .22 revolver, isang live ammunition ng caliber .38 revolver, 17 basyo ng bala para sa caliber .45 pistol, at limang basyo ng bala ng caliber 5.56 rifle (M-16) ang nasamsam mula kay Pinera habang isang improvised caliber 5.56 MM pistol ang nakuha kay Sotelo.
Ang dalawa ay kakaharapin ang mga kaso ng illegal possession of explosives at illegal possession of firearms and ammunitions.
“This accomplishment speak well of our dedication to ensure a safe election in the upcoming 2019 midterm elections,” ani Cordillera police director Chief Supt. Rolando Nana na nangakong ipagpapatuloy nila ang pagtugis sa mga gun-for-hire groups hanggang masupil ang mga ito at magkaroon ng matagalang kapayapaan sa Abra at sa buong rehiyon.
A.ALEGRE

Amianan Balita Ngayon