Hinihinalang drug pusher, patay sa buy-bust sa La Union

CAMP BGEN OSCAR M FLORENDO – Idineklarang dead on the spot ang isang hinihinalang drug pusher matapos itong nakipagbarilan sa mga operatiba sa isinagawang buy-bust operation ng magkasanib na pwersa ng San Fernando City Police at ng Philippine Drug Enforcement Agency-Regional Office 1 (PDEA-RO1), umaga ng Enero 8.
Kinilala ni Police Chief Superintendent Romulo E. Sapitula, PRO1 regional director, ang suspek na si Ruben C. Bautista, 38 anyos, mula sa Barangay Pug-os, Cabugao, Ilocos Sur at bagong nakilalang drug personality na may operasyon sa lungsod.
Ayon kay Sapitula, nagsimula ang barilan sa pagitan ng suspek at mga operatiba dakong 1:38am sa Barangay Pias, City of San Fernando, La Union matapos na unang nagpaputok ang suspek nang mapansin nitong nakikipagtransaksyon ito sa mga pulis at nagbunsod upang gumanti rin ng putok ang mga operatiba.
Idineklarang dead on the spot ang suspek ni Dr. Eduardo Posadas ng City Health Office bunsod ng tinamong mga tama ng bala.
Nakuha ng mga miyembro ng SOCO team ng Regional Crime Laboratory Office 1 (RCLO1) mula sa suspek ang anim na heat sealed sachets na naglalaman ng hinihinalang shabu, limang heat sealed sachets ng hinihinalang marijuana leaves, isang Smith and Wesson caliber 9mm pistol na may dalawang live ammunition at isang chamber load, tatlong naiputok na cartridge case ng caliber 9mm, limang live ammunition ng caliber 9mm, iba’t ibang cards, biodata, Nokia keypad cellphone, at isang P1,000 na marked money.
Ang bangkay ng suspek ay dinala sa Real Funeral Homes sa Naguituban, San Juan, La Union habang ang narekober na armas at mga hinihinalang ilegal na droga ay dinala sa RCLO1 para sa laboratory at ballistic examination.

Amianan Balita Ngayon