Tricycle driver, sinaksak ng kapwa tricycle driver sa Abra

Naka-confine ngayon ospital ang isang tricycle driver matapos itong sinaksak sa tagiliran ng kapwa tricycle driver noong Enero 10, dakong 7:45 ng gabi sa Sitio Palpal, Barangay Basbasa, Tayum, Abra.
Kinilala ang biktimang si Albino Magalso Padagas, 39, at residente ng naturang lugar habang ang suspek ay kinilalang si Edward Tagura, 45, at residente ng Sitio Wayya, Barangay Velasco, Tayum, Abra.
Sa inisyal na imbestigasyon ay lumabas na ang biktima at anak nitong lalaki kasama ang isang pamangkin ay nasa waiting shed sa Sitio Palpal, Barangay Basbasa nang ang suspek na nakasakay sa kanyang motorsiklo ay biglang huminto sa harap nila.
Diumano ay kinompronta ng suspek ang biktima kung bakit lagi itong bumabalik at pagkatapos ay biglang naglabas ng patalim mula sa baywang nito at sinaksak ang biktima.
Isinugod ng mga rumespondeng tauhan ng Tayum MPS ang biktima sa Seares Memorial Hospital at kalaunan ay inilipat sa Abra Provincial Hospital.
Sinundan naman ng mga pulis ang suspek at nakorner ito sa Sitio Wayya, Barangay Velasco, Tayum, Abra.
Ang supek ay nasa kustodiya na ng Tayum MPS. Ang motibo ay hindi pagkakaunawaan dahil sa kalasingan.

Amianan Balita Ngayon