3 pulis sinibak ng PNP Cordillera sa internal cleansing

LA TRINIDAD, BENGUET – Tatlong pulis sa Cordillera ang na-dismiss sa serbisyo dahil sa magkakaibang kasong administratibo noong 2018.
Ito ang inihayag ng isang opisyal ng Philippine National Police-Internal Affairs Service Cordillera (IAS-CAR) noong Enero 9.
“Yung pagwi-weed out natin ng pasaway is a form of help sa matitinong pulis kasi nadadamay din pangalan ng matitinong pulis sa mga pasaway,” ani IAS-CAR Regional Director Senior Supt. Jimmy Catanes.
Isang police officer na nakadestino sa Benguet at dalawa sa Ifugao ang nasibak mula sa serbisyo sa PNP sa unang anim na buwan ng 2018, matapos na sila ay napatunayang guilty sa kanilang kasong grave misconduct.
Ani Catanes, ang paglilinis ng PNP sa mga pasaway na pulis ay pakikinabangan ng buong ahensya at ng bansa.
Maliban sa tatlong na-dismiss, walong pulis pa ang sinuspinde.
Sinabi ni Catanes na may 16 recommendations ang ipinasa sa Disciplinary Authority (DA) na hinihintay pa ang desisyon.
Aniya, nakatanggap ang IAS-CAR ng 29 administrative cases mula sa simpleng kaso ng pagtulog habang nasa serbisyo hanggang sa mga seryosong kaso ng grave misconduct mula Enero hanggang Disyembre ng 2018.
Ang mga desisyon ng IAS ay ipinapasa sa regional director ng PNP na siyang gumagawa ng pinal na pasya kung ipapatupad ang rekomendasyon o kung babaguhin ito, ani Catanes.
Sa huling bahagi ng 2018, ilang mga pulis ang inakusahang natutulog sa kanilang tungkulin nang nagsagawa ng spot inspection ang mga tauhan ng IAS sa iba’t ibang himpilan ng pulis.
“So far we can see the effect of what we did to the mainstream which is for internal discipline and internal cleansing,” ani Catanes.
Sinigurado nito sa kapulisan na masinsinan ang ginagawang pagsisiyasat ng IAS sa mga complaint at hindi nagpaparusa ng mga pulis nang hindi dumaraan sa tamang proseso.
“We always get the side of the police, it’s always both sides,” aniya.
Hanga’t maaari, sinabi ni Catanes, ay sinusubukan nilang itatak ang disiplina sa mga pasaway na mga opisyal ng kapulisan sa pamamagitan ng mas magaang parusa gaya ng pagsuspinde o babala.
“Pero kung matigas talaga ang ulo, hinihiwalay na talaga sa serbisyo,” ani Catanes.
L.AGOOT, PNA/ABN

Amianan Balita Ngayon