Kotse, ninakaw at sinunog

Tinatayang P250,000 ang halaga ng pinsala sa isang puting 1995 model Honda ESI na ninakaw at sinunog sa Baguio City noong Enero 9.
Ayon sa ulat, ang insidente ay nangyari dakong 11:45 ng gabi sa Lower Quirino Hill, Baguio City. Ang mga tauhan ng Station 2, Baguio City Mobile Force Company, BCPO at BPAT Dizon Subdivision barangay ay rumesponde matapos na iniulat ng isang 30 anyos na si Earl Cunanan ang nakitang nasusunog na sasakyan habang nakasakay ito sa motorsiklo pauwi.
Sa panayam kay Mark Gerald De Guzman, 35, single, online seller, residente ng Lower Quirino Hill, Baguio City, ay napag-alaman na ang sinunog na sasakyan ay ipinapabenta ng may-ari nito. Dakong 7:50pm ng naturang araw, ipinarada niya ang sasakyan sa kalsada malapit sa kanyang tinitirhan.
Ang may-ari ay kinilalang si Kendrian Versoza ng City Camp, Baguio City.
Idineklara ni FO3 Leo Mendoza, fire investigator, ang fire out dakong 12:10am ng Enero 10.
Sa CCTV footage sa No.036 Kalapati Street, Dizon Subdivision ay nakita ang isang lalaki na may sling bag na nagmaneho sa sasakyan at huminto sa gitna ng tulay kung saan nito sinunog ang sasakyan. Iniimbestigahan pa rin ang insidente.

Amianan Balita Ngayon