Empleyado ng munisipyo sa Apayao sugatan sa pamamaril

Flora, Apayao – Binaril ang isang 43 anyos na empleyado ng Flora, Apayao noong hapon ng Agosto 30 sa nasabing bayan.
Kinilala ang biktima na si Sonny Arnedo Butel, municipal planning officer IV ng Flora local government unit. Sa ulat ng pulisya ay pauwi na ang biktima sakay ng isang gray Toyota Corolla na may plakang TGJ 494 bandang 5:15pm sa kahabaan ng Gladiola Street sa barangay Poblacion East nang pagbabarilin siya ng mga suspek na sakay ng isang Honda XR motorcycle.
Agad na itinakbo sa Flora District Hospital ang biktima na nagtamo ng isang tama ng bala sa bandang taas ng kaliwang kamay na tumagos sa kaniyang kaliwang kili-kili na ikinasugat din ng kaniyang kanang kamay ayon sa mga crime scene investigators mula sa Flora police station.
Tinutugis ng mga awtoridad ang mga hindi pa pinapangalanang suspek. ACE ALEGRE

Amianan Balita Ngayon