Estudyante, biktima ng pandurukot

Isang estudyante ang walang malay na nadukutan sa Mabini Street bandang 2pm noong Agosto 30.
Ang biktima ay kinilalang si Elizabeth Bautista Alejo, 18, walang asawa at nakatira sa City Limit, Bubon, Virac, Itogon, Benguet.
Natangay sa biktima ang isang CKK Android cellphone na nagkakahalaga ng P3,500 at coin purse na may lamang pera at isang flash drive.
Samantala ay kinilala ng pulis ang mga suspek na sina Jerson Mariano Remijo, 20, walang asawa, vendor at residente ng Camp 4, Tuba, Benguet; isang menor de edad at isang di pa nakikilalang lalaking kasama nila.
Napag-alaman sa imbestigasyon na naglalakad ang biktima kasama ang mga kaibigan sa Mabini Street nang mapansin ng ilang tao na bukas ang bag ng biktima at agad niyang hinabol ang mga suspek at nabawi ang kaniyang coin purse sa tulong ng ilang tao at Kagawad ng POSD.
Hindi naman nabawi ang cellphone dahil naitakbo na ito ng isang kasamahan ng mga suspek.
Nakakulong na si Jerson Remijo sa Baguio City Jail samantalang na-turn over ang menor de edad sa Social Development Center (SDC).

Amianan Balita Ngayon