Estudyante tinamaan ng ligaw na bala, patay

CAMP DANGWA, BENGUET – Nabulabog ang isang concert for a cause nang biglang umalingawngaw ang putok ng baril at tinamaan ng ligaw na bala ang isang estudyante na ikinamatay nito sa bayan ng Lagawe, Ifugao.
Ayon kay Superintendent Carol Lacuata, information officer ng Police Regional Office-Cordillera, ang biktima ay nakilalang si Ethan Ryo Anselmo Sia, 14, ng Poblacion North, Lagawe, Ifugao, samantalang ang suspek ay si Michael Liobon Dinamling,45, miyembro ng Public Order and Safety Committee ng munisipyo.
Sa imbestigasyon, habang isinasagawa ang concert for a cause, dakong 10:20 ng gabi sa Lagawe Central School noong Miyerkoles (Abril 26), ay bigla na lamang na may pumutok na baril.
Nakita na lamang ang biktima na napatumbang nakaupo sa gilid ng bleacher na duguan at agad itong isinugod sa hospital subalit idineklara itong dead on arrival dulot ng tama ng bala ng baril sa kanang bahagi ng ulo nito.
Hindi na nakapalag ang suspek nang dakmain siya ng mga concerned citizens hanggang sa dumating ang pulisya at ibinigay ang isang cal.38 na may laman na apat na live ammunitions at isang basyo. Hindi pa mabatid kung ano ang dahilan sa pagpapaputok ng baril ng suspek. Zaldy Comanda

Amianan Balita Ngayon