Improvised na fuse ng bomba, nakita sa gilid ng kalsada

Tabuk City, Kalinga – Nadiskubre ng mga miyembro ng Philippine Army ang walong fuse na maaaring gamitin sa paggawa ng improvised na pampasabog sa gilid ng kalsada sa sitio Cullayanan, barangay Junction sa Pinukpuk, Kalinga.
Ang naturang mga fuse ay kinumpiska ng 50th Infantry Battalion sa pangunguna ni Corporal Angel Adducul matapos silang makatanggap ng impormasyon mula sa isang residente.
Ayon kay 2Lt. Jeric Gonzales, civilian military officer ng 50th IB, ang mga fuse ay bahagi ng 105mm ammunition. Paliwanag niya, ang mga cartridge na hindi nila nakita ay nilalagyan ng gunpowder na maaaring gamitin sa paggawa ng ilang improvised na pampasabog.
Ang 105mm ay isang artillery weapon system na ginagamit para sa malayuan at hindi direktang fire support, saad ng opisyal.
Aniya, ang nakitang mga fuse ay magagamit din bilang improvised explosive devices (IEDs) dahil ang mga ito ang ginagamit na trigger upang pasabugin ang buong 105mm ammunition.
Kahit na hinahanap pa rin kung sino ang nakaiwan sa gamit na pampasabog, sinabi ni Gonzales, “it would be no surprise if these belonged to the New Peoples Army rebels.”
Nauna rito ay sinugod ng militar ang ilang malalaking kampo ng rebelde sa Kalinga na tinatayang maaaring maglaman ng hindi aabot sa 100 rebelde. Nakuha rito ang parehong gamit na pampasabog. “The NPA camps we’ve discovered in the past few years,” ani Gonzales, “had tools and equipment for making IEDs.” Ace Alegre

Police Patrol

AMIANAN POLICE PATROL

Amianan Balita Ngayon