Isa nasaktan sa van na nabangga ng student driver

Physical injury at damage to property ang naging resulta ng pagkabangga ng isang kotse na minamaneho ng isang 56 anyos na student driver sa isang van sa dako ng Pacdal Circle, Baguio City noong Marso 6 ng umaga.
Sa ulat ng pulis, ang Suzuki Alto hatchback na may plakang NOP-928 na minamaneho ni Marcelo B. Fronda, 56, minero, may student permit number A0118802808 at residente ng Philex Mines, Itogon Benguet, kasama ang kanyang driving instructor na si Orly Boy Bruno Dulay, 26anyos, at residente ng Lower Cypres, Irisan, Baguio City, ay patungo sa direksyon ng Pacdal Circle mula sa Ilusorio Drive habang ang Suzuki multicab van na may temporary plate number 120110 na minamaneho ni Ronald Reyes, 49, retired U.S Navy at residente ng Summerville, Pacdal, ay binabagtas naman ang Southdrive Road patungo sa Pacdal Circle.
Ang kanang bahagi ng kotse ay tumama sa kaliwang harapan ng van.
Dinala sa Notre Dame de Chartres Hospital ang pasahero ng van na si Rowena Reyes, asawa ng driver, matapos humampas ang kanang bahagi ng kanyang katawan sa arm rest ng sasakyan dahil sa aksidente. Agad naman itong nakalabas sa ospital nang masiguro ng doktor na maayos na ang kanyang kalagayan.
Hindi pa malaman ng awtoridad kung magkano ang halaga ng mga nasira sa nasabing banggaan. MARK BROZULA VILLAFLORES, UB Intern

Amianan Balita Ngayon