9 pine trees, maaaring ipaputol para sa road widening

Bagaman sinimulan na ang pagpapalawak ng kalsada sa dulo ng Kennon Road sa dako ng Baguio General Hospital noong huling linggo ng Pebrero ay hindi pa ginalaw ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang mga punong maaapektuhan ng proyekto.
Ito ay habang hindi pa ibinibigay ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang permit para sa pagputol ng mga naturang puno.
Ayon kay Victoriano P. Bilayan, licenses unit officer ng Community Environment and Natural Resources Office (Cenro)-Baguio, siyam na pine trees ang apektado at pwedeng maputol kapag nabigyan ng permit ang DPWH sa pagputol ng mga puno.
Sinabi ni Engr. Cesario Rillera ng Baguio City District Engineering Office and Chief Planning Design Section, ang pangunahing layunin ng proyekto na pagpapalawak ng kalsada ay “traffic decongestion”.
Madalas na nagkakaroon ng mabigat na daloy ng trapiko sa naturang bahagi ng kalsada kaya binalak ng DPWH na simulan na ang pagpapalawak dito.
Dagdag pa ni Cesario, ang budyet ng proyektong ito ay umaabot hanggang sa P21 milyon.
Palalawakin ang kalsada ng tig-anim na metro sa magkabilaan para maging apat na linya ang kalsada.
Dahil sa pagpapalawak na ito ay hindi maiiwasan ang pagputol ng puno sa maaapektuhang lugar.
Ayon naman sa Cenro, ang isang punong mapuputol ay katumbas ng 100 tree sapplings na pwedeng maitanim sa mga watershed at mga kagubatan sa lungsod. Kaya aabot ng 900 na tree sapplings ang maitatanim kapag natuloy ang pagputol sa siyam na pine trees.
Nasimulan nang hinukay ang lugar ngunit pinapabayaan muna ng mga kontraktor ang mga puno.
Apektado rin sa proyekto ang mga poste at bahay na naitayo sa tabi ng kalsada ngunit ang mga bahay na ito ay mga iskwater at walang magagawa ang mga may-ari ng bahay kundi buwagin ang mga istraktura. PAULO GREG BENITEZ, UB Intern / ABN

Amianan Balita Ngayon