Kaso ng child rape sa Pangasinan, bumaba ng 29%

LINGAYEN, PANGASINAN – Iniulat ng Pangasinan Police Provincial Office (PPO) ang 251 na mga kaso ng child rape sa buong probinsiya mula Enero hanggang Oktubre ngayong taon, na bumaba ng 29 porsiyento mula sa 353 mga kasong naitala ng parehong panahon noong nakaraang taon.
Ayon kay police community relations officer, Chief Insp. Norman Florentino, ang mga nasabing kaso ng panggagahasa ay naitala sa halos kalahati ng kabuuang pang-aabuso sa mga bata at paglabag sa karapatan ng mga bata sa parehong panahon kasunod ng physical abuse.
Sinabi ni Florentino na mayroong 584 child abuses ang naiulat sa probinsiya mula Enero hanggang Oktubre ngayong taon, 10 porsiyento ang ibinaba mula sa 649 na mga kasong naitala noong nakaraang taon.
“I think our advocacy campaigns helped a lot in decreasing the number of child abuses in the province,” aniya.
Regular na nagsasagawa ang Pangasinan police lalo na ang Women and Children Protection Desk ng mga lectures sa paaralan at komunidad na nagtataguyod ng karapatan ng mga bata.
“We also highlight the anti-bullying campaign and responsible parenting as well as giving emphasis to the laws protecting children,” aniya.
Kasama sa regular na paksa sa mga lectures ng police ay ang pagtataguyod ng gender development at mga epekto ng maagang pagbubuntis, dagdag niya.
Sumali kamakailan ang Pangasinan police sa Fun Walk upang ipakita ang kanilang suporta sa tamang child care sa National Children’s Month ngayong Nobyembre.
Samantala, naghahanda na ang PPO para sa holiday season dahil ang mga magnanakaw ay inaasahang tataas, ani Florento.
“We will be deploying augmentations to towns and cities, where more people may flock such as tourist spots and shopping centers,” dagdag niya. H. AUSTRIA, PNA

Amianan Balita Ngayon