Lagakan ng NPA, nakubkob ng tropa ng gobyerno

STA. CRUZ, ILOCOS SUR (October 20, 2017) – Iniulat ng tropa ng gobyerno na nasabat nila ang ilang pinaglalagakan ng suplay ng New Peoples Army sa Ilocos Sur.
Noong Oktubre 15, 2017 ay natagpuan ng 81st Infantry Battalion ng Philippine Army ang isang depot na naglalaman ng apat at kalahating sako ng bigas (175 kilos) at iba’t ibang groceries na nakasalansan sa isang makeshift tent sa Brgy Sorioan, Salcedo, Ilocos Sur.
Nang sumunod na araw, isa muling supply depot ang nahukay na may dalawang sako ng bigas (50 kilos) na nakalagay sa loob ng isang drum at ibinaon sa Brgy Tablac, Candon City.
Noon namang Oktubre 17 ay dalawang lalagyan ng bigas na may tig-15 kilo na nasa loob ng isang drum at ibinaon sa Brgy Ubbog, Salcedo ang natagpuan ng mga sundalo.
Kinabukasan ay may nahukay muling isang drum na may 150 kilo ng bigas na ibinaon sa Brgy Buliclic, Sta Lucia, Ilocos Sur.
Ang natanggap nilang tip sa lokasyon ng mga lagakan ay mula sa supporters ng NPA na mga halal na lokal na opisyal din, ani Lt. Col. Eugenio Julio Osias IV, commander ng 81IB.
Ang serye ng combat operations na nagresulta sa armadong bakbakan sa pagitan ng tropa ng gobyerno at ng mga rebeldeng NPA ang nag-udyok sa ilang lokal na opisyal, na sinadyang itago ang mga pangalan para sa kanilang seguridad, na umamin na sinuportahan nila dati ang mga rebelde ngunit ngayon ay lumipat sa pwersa ng gobyerno at iniulat ang lokasyon ng mga suplay ng NPA.
Ani Osias, “with all our efforts, we have convinced these local officials who admitted their support to NPAs before to work with us in ending the insurgency problem that affected their socio-economic activities.” Ang kanilang mga impormasyon ay talagang tumpak dahil sila ang pinagkatiwalaan ng NPA na magbantay sa naturang mga suplay, dagdag nito.
Paniwala ng militar na ang mga suplay ay nagmula sa mga isinagawang panggigipit ng NPA sa Ilocos Sur. ACE ALEGRE

Amianan Balita Ngayon