Lalaki na bukas-kotse, naaktuhan

Huli sa akto ang isang lalaking pinipilit buksan ang isang sasakyan na nakaparada sa Upper Session Road, Baguio City noong Hunyo 1, 2017 bandang 8:50 ng gabi.
Kinikilala ang suspek na si Jaime Butic Dampilag Jr., 42 anyos, manggagawa, tubong Lagawa, Bauko, Mt. Province at kasalukuyang nakatira sa Purok West, Camp 7, Kennon Road, Baguio City.
Mula sa ulat ng mga pulis ay namataan ang suspek na pasilip-silip sa bintana ng isang black Mitsubishi Pajero na may plakang RDU 130 at pilit nitong binubuksan ang pintuan sa driver side. Gumamit ito ng iba’t ibang uri ng susi na dahilan ng pagtunog ng alarm ng sasakyan na pagmamay-ari ni PO2 Jayson Tabcao ng Police Precinct 3, Station 7, Baguio City Police Office.
Inaresto ng mga pulis ang suspek at dinala sa Station 7. Nadiskubre sa kanya ang limang piraso ng live ammunition ng calibre 22 sa kanyang brown pouch.
Ang suspek ay nahaharap sa kasong illegal possession of live ammunition o paglabag sa Republic Act 10591 at resisting arrest. AUBREY BALINDAN, UC Intern

Amianan Balita Ngayon