Dating constable, pinasabog ang sarili pero nabuhay pa rin

Isang dating constable ng Philippine Constabulary, na diumano ay nagdurusa dahil sa asthma at arthritis, ang nagtangkang pasabugin ang sarili gamit ang granada ngunit nakaligtas pa rin ito.
Si Daniel Minus Chong, 61anyos, nakatira sa Julian building sa Hilltop Road, Kayang-Hilltop barangay, ay nasugatan lamang sa kabila ng pagnanais nitong pasabugin ang sarili noong umaga ng Miyerkules, Hunyo 7, sa isang bar sa loob ng naturang building.
Ayon sa kapulisan, si Chong ay sinabihan ng kanyang kalive-in na si Irene Paleng Ayawan na magpunta muna sa kanyang kapatid sa Quirino Hill, Baguio City upang makaramdam ng ginhawa mula sa kanyang asthma.
Ngunit tumanggi ang dating constable.
Nang umalis si Ayawan upang ihatid ang mga anak sa paaralan ay inilabas ni Chong ang isang fragmentation grenade at hinugot ang pin nito.
Naalimpungatan dahil sa pagsabog si Judilyn Rubang Lingbaoan, cashier ng bar, na noon ay natutulog sa second floor ng bar. Agad nitong tinignan kung nasaan ang sumabog at nakita na lamang si Chong na duguan.
Humingi naman ng tulong ang mga barangay officials at dinala ang biktima sa ospital.
Samantala, inirekomenda ni Baguio City Assistant Prosecutor Philip Randolf Kiat-ong ang pagpipila ng kaso laban kay Chong dahil sa alarma at eskandalong idinulot nito. ACE ALEGRE

Amianan Balita Ngayon