Lalaking bumibili ng gulay, patay sa saksak

LUNGSOD NG BAGUIO – Patay ang lalaking bumibili ng gulay bandang 9:10pm ng Oktubre 30, 2018 sa entrance ng Molly’s Inn sa Kayang Street, Baguio City.
Kinilala ang biktimang si Giovanni Pison Mendaros, 38 anyos, butcher, tubong Aritao, Nueva Viscaya at residente ng San Carlos Heights, Baguio City.
Sa inisyal na imbestigasyon, magbabayad na ang biktima ng kaniyang mga pinamiling gulay mula sa vegetable stall nang bigla itong saksakin ng hindi pa nakikilalang suspek sa kaliwang dibdib kung kaya natumba sa harap ng entrance ng nasabing inn. Tumakas ang suspek sa hindi pa malamang direksiyon matapos ang insidente habang dinala ng mga concerned citizens ang biktima sa Baguio General Hospital and Medical Center.
Bandang 12:02am ng Oktubre 31, idineklarang patay ang biktima ng kaniyang attending physician na si Dr. Menard Dela Cruz. Nagtamo ang biktima ng lone laceration wound sa kaniyang kaliwang dibdib na tumagos sa kaniyang puso. Ang kaso ay iniimbestigahan pa.

Amianan Balita Ngayon