3 sugatan sa sasakyan na bumangga sa bundok sa Mt. Province

BONTOC, MT. PROVINCE – Tatlo ang sugatan matapos na bumangga ang isang Tamaraw FX sa gilid ng bundok bunsod ng pagkaantok ng drayber habang nagmamaneho na nasa impluwensya ng alak.
Nakatanggap ng ulat ang Bontoc MPS bandang 12:45am ng November 1 mula sa concerned citizen sa aksidenteng naganap bandang 12:10am ng parehong araw sa kahabaan ng national road ng Sitio Komosey, Bontoc Ili, Bontoc, Mt. Province.
Agad rumesponde ang mga pulis at nakita ang sirang puting Toyota Tamaraw FX na may plakang UDO 876 ngunit ang drayber at mga pasahero nito ay dinala na ng mga concerned citizens sa Bontoc General Hospital (BGH) para sa agarang lunas.
Sa imbestigasyon isinagawa, nakilala ang drayber na si Randy Tumapang Malona, 34 anyos, laborer at tubong Payag-eo, Sagada, Mt. Province, hinihinalang nakainom, ay nakaidlip habang nagmamaneho kung kaya nawalan ng kontrol sa manibela at nabunggo ang gilid ng bondok. Ang mga sakay na pasahero na nagtamo ng sugat ay sina Mayo Bitaga na nagtamo ng multiple lacerated wounds sa mukha; Joseph Pawid na nagtamo ng 8-cm lacerated wound sa kaniyang kanang braso; at Agosto Busway na nagtamo ng 3-cm lacerated wound sa kaniyang kanang parietal area.
Hindi naman nasaktan ang drayber habang ang sasakyan ay nagtamo ng hindi pa malamang halaga ng sira. Na-admit sina Bitaga at Pawid sa nasabing ospital ng kanilang attending physician. Ang kaso ay sasailalim pa sa imbestigasyon.

Amianan Balita Ngayon