Mag-asawa, biktima ng salisi

Nabiktima ng salisi ang mag-asawa sa pagitan ng 12:45am-4:35am ng October 8 sa loob ng kanilang unit sa Pine Ridge Condominium, Upper General Luna, Baguio City.
Sa imbestigasyon, bandang 12:45am nang umalis diumano sa kanilang unit ang mag-asawang biktima na sina Murphy Harry Nocum, 30anyos, at Maria Fernanda Nocum, 29anyos, American National.
Isinara diumano ni Murphy ang unit para mag-inuman kasama ang asawa at kanyang kaibigan na si Katrina Barrientos at inilagay ang susi ng kanilang unit sa taas ng cabinet katabi ng main door.
Bandang 4:35am ng parehong araw nang umuwi ang mag-asawa at nakita nilang nawawala ang kanilang mga gamit na: dalawang MacBook Pro laptop na nagkakahalaga ng P140,000; isang IPhone cellphone-P12,000; isang projector-P17,000; isang Air 2 IPod-17,000; isang drone na nakalagay sa container na nagkakahalaga ng P80,000 hanggang P90,000; tatlong piraso ng gold rings-P100,000; isang kuwintas at isang pares ng hikaw-P37,000; isang wedding ring-P22,000; at cash na nakalagay sa envelope na nagkakahalaga ng halos P20,000.
Lumabas sa imbestigasyon na ang mga di pa nakikilalang suspek o mga suspek ay pumasok sa main door ng unit gamit ang susing nakalagay sa ibabaw ng cabinet malapit sa main door.
 

Amianan Balita Ngayon