Magnanakaw huli sa nagpapatrol na pulis

Nakakulong ngayon ang isang lalaki matapos nitong tinangkang tangayin ang sling bag ng isang truck driver ngunit agad itong naaresto ng nagpapatrolyang pulis sa Shanum Street, Baguio City noong hapon ng Enero 15.
Kinilala ang biktimang si Romeo Lagmay Quilaguil, 35 anyos, single, driver, at residente ng Upper Bonifacio Street, Baguio City habang ang suspek ay si Neil Villanueva Ortega, 25, single, unemployed, at residente ng Urayong, Bauang, La Union.
Sa imbestigasyon ay napag-alaman na ang biktima at kanyang mga katrabaho ay nagbababa ng mga items mula sa kanilang delivery truck na ihahatid sa Sunshine Supermart nang palihim na binuksan ng suspek ang driver side ng truck at kinuha ang sling bag ng biktima na naglalaman ng P500, driver’s license, at iba pang dokumento.
Ang suspek ay inaresto ng nagpapatrolyang tauhan ng Station 7 ng Baguio City Police Office at narekober ang sling bag.
Ang kaso ay isinangguni para sa inquest proceedings na sinundan ng detention ng suspek sa Baguio City Jail.

Amianan Balita Ngayon