Lalaki sinaksak sa mata matapos awatin ang away sa bar

Umaawat lamang sa mainit na pagtatalo ang isang 20 anyos na lalaki ngunit ito ang sinaksak sa mata sa isang bar sa Km. 5, Marcos Highway, Sto. Tomas Proper, Baguio City, dakong 12:30am ng Enero 14.
Sa ulat ng pulis ay kinilala ang biktima na si Agustin Licanda, 20 anyos, at stay in construction worker sa Golden Crown, Km. 5, Marcos Highway, Sto. Tomas Proper, habang ang mga suspek ay kinilalang si Janjan Fernandez, 32, single, unemployed, at residente ng Damaletre Road, Malabon City na kasama ang dalawang lalaking kinilala lamang bilang “Allan” at “JR”, pawang construction workers, at residente ng Marcos Highway, Bakakeng Central, Baguio City.
Ayon sa imbestigasyon, ang biktima at kasama nito ay papalabas na sa Pistola’s Videoke Bar sa naturang lugar nang kinompronta ng kasama nito ang grupo ng suspek na papalabas na rin sa bar. Nagresulta ito sa pagtatalo kung saan tinangkang umawat ng biktima ngunit sinaksak ito sa kaliwang mata gamit ang isang matulis na bagay ni Fernandez bago agad na tumakas ang suspek.
Ang biktima ay dinala sa Baguio General Hospital and Medical Center upang malunasan.

Amianan Balita Ngayon