Geohazard study ng Mines View Park, isasagawa

Hiniling ng Sangguniang Panlungsod sa mga kinauukulang departamento na agad magsagawa ng joint geotechnical investigation upang malaman ang kalagayan ng lupa sa Mines View Park.
Inaprubahan ng SP ang Resolution No. 6 series of 2019 na iminungkahi ni Councilor Elmer Datuin para sa naturang joint study.
Sinabi ni Datuin na naalarma ang mga residente ng Mines View Park Barangay matapos na madiskubre ang mga bitak sa lupa na nakikita sa loob ng Mines View Park at nag-aalala ang mga ito na magdulot ito ng panganib sa mga residente, mga namamasyal sa parke at mga establisimyento sa lugar.
“The conduct of a thorough study on the soil condition of Mines View Park is highly required at the soonest possible time to determine what corrective measures to be instigated, if need be, to prevent possible widespread damage,” saad ng resolusyon.
Hiniling mula sa Department of Environment and Natural Resources-Mines and GeoSciences Bureau (DENR-MGB), Department of Public Works and Highways-Baguio City District Engineering Office, (DPWH-BCDEO) at City Engineering Office (CEO) na pangunahan ang naturang pag-aaral.
Ang mga naturang departamento ay inaatasang magsumite ng report sa city council at agad na magpatupad ng corrective measures.
Inirekomenda naman ng Committee on Urban Planning, Lands and Housing ang adoption ng naturang panukala.
A.P.REFUERZO/ABN

Amianan Balita Ngayon