Nanay, timbog sa buy-bust sa Pangasinan

Arestado ang isang nanay sa isinagawang anti-illegal drugs buy-bust operation ng mga operatiba ng Calasiao police katuwang ang PDEA RO1 bandang 5:45pm ng August 14 sa Sitio Paronking, Barangay San Miguel, Calasiao, Pangasinan.
Ayon sa imbestigasyon, ang suspek na kinilalang si Teresa Claveria Delos Santos, 43 anyos, single parent at residente ng PNR Site, Brgy. Mayombo District, Dagupan City, Pangasinan, ay mag-aabot na sana ng item sa kaniyang buyer nang mapansin niyang isang undercover police officer ang kaniyang katransaksiyon at napansin niyang ilang kalalakihan ang nagmo-monitor sa lugar kung kaya nag-atubili itong ituloy ang transaksiyon. Subalit nang makita ng undercover police officer ang item na nasa kamay na ng suspek ay agad nitong hinablot ang kamay at nakuha sa suspek ang isang heat sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng white crystalline substance na pinaghihinalaang shabu. Ang mga nakumpiskang item at ang dapat sana’y marked money na isang P200 bill ay minarkahan sa harap ng barangay officials ng nasabing lugar.
Ang suspek at ang mga nakumpiskang item ay dinala sa Calasiao PS para sa imbestigasyon. Ang kasong Violation of RA 9165 ay inihahanda na upang ipila sa korte laban sa suspek.

Amianan Balita Ngayon