PCSO nagbabala laban sa illegal gambling

BAGUIO CITY – Nagbabala at pinaalalahan ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) ang lahat ng local government units (LGU) at pulisya, maging ang mga supporting law enforcement sa Baguio-Benguet, na wala ng bisa ang operasyon ng Peryahan ng Bayan na inooperate ng Globaltech Mobile Online Corporation mula pa noong 2016.

Ang babala ay ipinaabot ng PCSO sa naganap na summit sa Newtown Hotel sa lungsod noong Biyernes, matapos silang makatanggap ng impormasyon na may nagbabalak umanong magoperate ng Peryahan ng Bayan sa Baguio City at Benguet.

Ayon sa PCSO official, bagama’t hindi kasali ang Baguio-Benguet sa panahon ng operasyon na ibinigay nilang permit o Deed of Authority sa Globaltech noong Abril 2, 2014, ay ginawa nila ang summit para ipaalam sa mga dumalong opisyales at pulisya ng Benguet at Baguio City, na angPeryahan ng Bayan ay terminado na ang permit noong Pebrero 17, 2016 sa bisa ng series of 2016.

Ang paalala ay ginawa ng PCSO para kung sakaling may lumapit sa kanila para sa operasyon ng Peryahan ng Bayan o Mobile Online Gaming, ay huwag basta-basta paniniwalaan ng LGU o PNP, dahil sa kasalukuyan ay wala silang pinapayagan para sa operasyon nito.

“Noon pa man bago ako maging provincial director ay wala akong na-encounter na nag-aplay para sa operasyon ng Peryahan ng Bayan sa lalawigan ng Benguet at maging hanggang ngayon,” pahayag ni Benguet Provicial Police Office Sr. Supt. Lyndon Mencio.

Ayon kay Mencio, mahigpit ang kanilang kampanya laban sa illegal na sugal, lalong-lalo na sa mga bookies ng jueteng.

Mahigpit din umano ang kanyang babala sa kanyang mga tauhan na masangkot sa anumang iligal na sugal.

Aniya, tangkilikin na lamang ang Small Town Lottery (STL) na siyang inaprubahan ng pamahalaan para makatulong sa programa at proyekto para sa bayan.

Dagdag pa ni Mencio na malaki ang naitutulong ng STLPCSO sa mga taga Benguet at Baguio na nagkakaroon ng problema sa mga pampublikong ospital.

Mariing itinanggi rin ni Benguet Governor Cresencio Pacalso ang napapabalitang may pumapasok na Peryahan ng Bayan sa lalawigan.

“Alam naman natin na illegal na iyan sapul ng iterminate ng PCSO ang kanilang operasyon at mula noon hanggang ngayon ay wala namang lumalapit sa amin para sa operasyon nito.”

Ayon kay Pacalso, malaking tulong ang summit na isinagawa ng PCSO at dito ay nalaman at napag-usapan ang legal at illegal na hindi sakop ng PCSO.

Matatandaan na kamakailan lamang ay dalawang mayor at vice mayor at barangay officials sa lalawigan ng Pangasinan ang kinasuhan ng Ombudsman, dahil sa umano’y pagiging protector ng
jueteng sa ilalim ng operasyon ng Peryahan ng Bayan.

Nabatid na dahil sa illegal na operasyon na ito ay malaki ang ikinalulugi ng mga STL sa bansa na lehitimong nagbabayad ng buwis sa pamahalaan.

Zaldy Commanda/ABN

Amianan Balita Ngayon