Pumatay sa Army reservist, tinutugis

LA TRINIDAD, BENGUET – Isang manhunt ang inilunsad ng kapulisan kontra sa pumatay sa isang Philippine Army reservist.
Bagaman nakilala na ng mga pulis ay hindi pa pinapangalanan ang suspek na pumatay kay Daniel Lacpap, 53, Army reservist sa 106th Community Defense Center at residente ng Buyagan ng bayang ito. Ang biktima ay binaril nang malapitan habang bumibili sa isang sari-sari store noong Abril 19.
Agad dinala sa Benguet General Hospital si Lacpap matapos itong binaril sa likod ng kanyang ulo na agad nitong ikinamatay.
Sinabi ng La Trinidad police na nakilala na nila ang killer na nakasuot ng puting bonnet, surgical mask, nylon white jacket, maong pants at black leather shoes nang isinagawa nito ang pagpaslang.
Tinitignan ng otoridad ang anggulong love triangle na motibo ng krimen dahil diumano ay nais ng suspek na makipagbalikan sa dating girlfriend na ngayon ay live-in partner ng biktima.
Ang live-in partner ng biktima na hindi na pinangalanan ang naghayag ng pagkakakilanlan ng suspek sa otoridad. Ace Alegre

Police Patrol

AMIANAN POLICE PATROL

Amianan Balita Ngayon