Suporta sa Universal Health Care, panawagan ng DOH

Featured News Health

Nanawagan ang Department of Health sa research institutes at academic institutions sa publiko at private sector upang tumulong sa lubos na implementasyon ng FOURmula1 Plus na layong pasiglahin ang hakbang ng bansa tungo sa Universal Health Care.

Ginawa ang panawagan ni DOH Undersecretary Mario Villaverde sa 12th Philippine National Health Research System (PNHRS) Week National Convention sa Camp John Hay sa lungsod ng Baguio, na binasa ni DOH-Assistant Regional Director Amelita Pangilinan.

Ipinaliwanag ni Villaverde na ang FOURmula1 Plus ay hindi lamang isang reporma kundi isang transformation agenda para sa DOH na lahat ng polisiya, plano, programa na suporta sa ‘FOUR’ na haligi ay ang financing, service delivery, governance at regulation ay dapat nakabase sa timely and high quality evidence, habang ang ‘PLUS’ ay ang cross-cutting initiative ng performance accountability na possible lamang kung may balidong ebidensya na sumusuporta sa aksiyon.

“The DOH Health Policy and Systems Research (HPSR), a cornerstone for driving F1+ for Health, is where the NHPRS Week National Convention participants will come in,”  aniya.

Ayon kay Villaverde na noong 2017 ang DOH kasama ang Philippine Council for Health Research and Development ay inilunsad ang HPSR follow-up program na AHEAD o Advancing Health towards Evidence-Assisted Decisions. Mula noon ay 10 study groups ang nabuo na gumagawa ng house analytic work, limang institusyon ang nagawaran ng 3-year grants at 22 pang proyekto ang kasalukuyan na lahat ay nakaposisyong sumuporta sa F1+ for Health.

“The DOH more than ever needs your support to enact reforms that may be difficult at first, but are expected to be truly beneficial or ‘felt’ by the people. Let us all work together towards a healthier Philippines contributing to the realization of the country’s long term development agenda of Ambisyon 2040,” panawagan ni Villaverde.

Binanggit din ni Dr. Ernesto Domingo, National Scientist at Ramon Magsaysay awardee (2013), sa kaniyang mensahe na ang pagpasa ng Universal Health Care law ay hindi ang tunay na hamon kundi ang implementasyon.

Sa tema ng 2018 PNHRS Week National Convention na ‘Research and Information and Innovation for Equity in Health’ ay inamin niyang ang tunay na hamon sa kalusugan ay hindi ang ‘diseases’ kundi ang ‘inequity’. Hinikayat niya ang mga kalahok na makintal ang pagka-mausisa, masipag at mapag-alagang kaligiran upang makatulong na matugunan ang problema sa ‘inequity’ o di pagkapantay-pantay. Maliban sa pagkonsidera sa etika sa research and technical review ay pinayuhan niya sila na tingnan din ang makataong aspeto ng saliksik.

Ang PNHRS ay isang integrated national framework para sa health research sa bansa na itinatag ng Department of Science and Technology kasama ang DOH noong 2003 at noong 2007 ay sumama ang Commission on Higher Education at University of the Philippines Manila bilang core agencies ng PNHRS. PIA-CAR, may ulat ni LITO M. CAMERO JR. / ABN