Top 5 most wanted sa Pangasinan, patay sa police encounter

MANAOAG, PANGASINAN – Patay sa pakikipagsagupa sa Manaoag Police ang dalawang pinaghihinalaang magnanakaw, kabilang ang isa sa top five most wanted persons ng bayan ng Mapandan, gabi ng Mayo 21.
Sa panayam kay Police Chief Inspector Dave Mahilum, chief ng Manaoag Police, sinabi nito na ang isang suspek ay kinilalang si Ramon Carpio Cavigan, residente ng Nilombot, Mapandan.
Ani Mahilum, si Cavigan ay nakahanay bilang Top 5 Most Wanted Person sa bayan ng Mapandan, na may maraming police records mula sa pagnanakaw hanggang sa armed robbery, at marami pang standing warrants of arrest.
Aniya, nang matanggap ang impormasyon mula sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) hinggil sa dalawang armadong suspek, nagsagawa sila ng checkpoint operation sa coastal road ng Barangay Poblacion.
Base sa paglalarawan na ibinigay ng CIDG, nakita ng mga otoridad ang mga suspek na nakasakay sa motorsiklo.
Sa halip na huminto, nagpaputok sa mga otoridad ang mga suspek gamit ang handgun, na nag-udyok sa kanila upang gumanti, na nagresulta ng pagkamatay ng mga suspek, ani Mahilum.
Aniya, narekober ng mga otoridad ang dalawang caliber 38 pistol at motorsiklo, na pinaniniwalaang ninakaw.
“According to our coordinated reports, they have previously robbed a lumber and construction supply establishment multiple times,” ani Mahilum.
Kailangan pang kilalalin ang kasama ni Cavigan sa pagpapatuloy ng imbestigasyon. A.PASION, PNA

Amianan Balita Ngayon