UNANG NAMATAY NA EPEKTO NG MAGNITUDE 7 LINDOL NAITALA SA MT. PROVINCE

Headlines

BAUKO, Mt. Province – Naitala sa rehiyon ng Cordillera ang unang namatay dulot ng posibleng epekto ng magtitude-7 earthquake, matapos matabunan ng gumuhong bundok ang isang 59 taon gulang noong umaga ng Hulyo 28 sa Sitio Boga, Monamon Sur, Bauko,Mt. Province.

Ayon sa ulat ng Mt.Province Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMO), ang biktima ay nakilalang si Andres Sagayo, 59, ng Sitio Pactil Barangay Monamon Sur, Bauko, Mt.Province.

Napag-alaman na ang biktima ay dumalo para makipag-lamay sa namatay sa katabing Sitio, nang matabunan ito ng gumuhong bahagi ng bundok dakong alas 10:00 ng umaga.

Agad nagsagawa ng rescue operation ang mga residente at naihaon mula sa gumuhong lupa ang biktima dakong alas 11:30 ng umaga ng araw na iyon at agad na isinugod sa Lutheran Hospital sa Abatan, Buguias, Benguet, subalit idineklara itong dead on arrival.

Ayon sa PDRRMO, bagama’t naganap ang malakas na lindol noong Miyerkoles ay posibleng may kinalaman ang pagkamatay ng biktima sa epekto ng lindol, dahil malaki ang posibilidad na ang pagguho ng lupa ay dulot sa paglambot ng lupa dahil sa lindol at mga after shock.

Iniulat din na may kabuuang 699 families 3,126 individual ang apektado ng lindol sa lalawigan, na ang pinakamarami ay sa bayan ng Bontoc na 314 families o’ 1,822 individuals at sumunod ang Bauko-208 families o’ 852 individuals, na ngayon ay patuloy na minomonitor at sinusuplayan ng mga family food packs ng Department of Social Welfare nd Development-Cordillera.

Nanawagan naman si Provincial Administrator Franklin Odsey sa mga residente na manatiling mapagbantay at maagap, habang patuloy pang nararamdaman ang after shocks at pag-ulan na nagdudulot ng paglambot ng kabundukan.

Pinayuhan din ang mga naninirahan na malapit landslide prone areas na pansamantalang lisanin ang lugar upang malayo sa anumang insidente ng landslides.

Zaldy Comanda/ABN