Go, Magalong, Olowan, bagong halal sa Baguio

LUNGSOD NG BAGUIO – Naging makasaysayan ang naganap na National and Local Midterm election dahil sa pagbagsak ng ilang tinatawag na political dynasty, traditional politician o trapo at ang pagpasok naman ng mga bago at batang pulitiko sa iba’t ibang lugar sa bansa.
Ang tinaguriang political kingpin ng Baguio City na si Mayor Mauricio Domogan mula sa nakalipas na tatlong dekada sa pulitika na walang katalo-talo, ay ngayon lang nakaranas ng pagkatao sa pagtakbo nito sa pagka- Congressman.
Itinuturing na landslide victory ang natamo ni Go, na may botong 58,603 na kahit pagsama-samahin pa ang mga boto ng mga katunggali nitong sina Domogan (30,443); Aliping (17,134); Bautista (4,447); at Wasan (689), ang suma total ay hindi aabot sa boto ni Go.
Ang pagkatalo ni Domogan at sa tumalong si Go at pagkapanalo ng bago at independent Mayor na si Magalong, ay maituturing na isang makasaysayang pultika sa siyudad ng Baguio.
Sa hangad ng taongbayan na magkaroon ng pagbabago sa siyudad ng Baguio, ay minabuti nilang iboto ang bagong mukha sa pulitika, na si Mayor-elect Benjamin B. Magalong.
Hindi rin makapaniwala ang mga katunggali nito na ma-landslide sila sa pagkapanalo nito sa botong 41,482. Napakalayo ang agwat nito mula sa mga katunggali niyang sina Edison Bilog (22,360); Edgar Avila (17,360); Jose Molintas (13,662); Leandro Yangot (12,635); Tony Tabora (2,805); Benny Alhambra (378); Labio Calingayan (281) at Jeffrey Pinic (65).
Nanguna naman sa Sangguniang Panglungsod ang ngayon ay nasa third term na si Councilor Joel Alangsab sa botong 51,323; Benny Bomogao (50,577); Betty Tabanda (48,826); Elaine Sembrano (47,150); Mylene Yaranon (47,054); Isabelo Cosalan (47,050); Pacoy Ortega (44,018); Art Allad-iiw (42,022); Vladimir Cayabas (41,291); Fred Bagbagen (38,048); Lilia Farinas (37,013); at Philian Weygan (32,368).
Kung may nalungkot na pulitiko sa Baguio, ay may nalungkot din sa lalawigan ng Benguet dahil sa pagkatalo ni first termer Governor Crecensio Pacalso sa katunggali nitong si Melchor Diclas.
Landslide naman ang pagkapanalo ni congressman-elect Nestor Fongwan laban kay Materno Luspian.
Sa Abra, nanatili sa pagka-gobernador si Joy Bernos at sa pagka-congressman naman ni JB Bernos.
Sa Apayao, ay hawak pa rin ng Bulut clan mula sa pagka-gobernador na si Eleanor Bulut- Begtang at Congressman Elias Bulut, Jr. Ang anak ng yumaong si dating congressman Maximo Dalog na si Maximo Dalog, Jr., ang kinatawan ngayon ng Mountain Province, at nanatili naman sa pagka-gobernador si Boni Lacwasan, Jr.
Sampung boto lang ang lamang ni dating Tabuk City Mayor Ferdinand Tubban laban kay James Edduba sa pagka-gobernador ng Kalinga, samantalang si Sonny Mangaoang naman ang nanguna
sa pagka-congressman kontra sa katunggali nitong si Jocel Baac.
Marami rin ang nagulat sa pagkatalo ni dating Congressman Teddy Baguilat sa pagtakbo nito sa pagka-gobernador ng Ifugao, mula sa katunggali nitong si Banaue Mayor Jerry Dalipog.
Ang pagluklok sa mga bagong halal na pulitiko ay patunay lamang na pagbabago ang sigaw ng taongbayan at sa mga pulitikong naibalik sa puwesto ay naniniwala sila na mas higit nilang magagampanan ang mga pangangailangan para sa pag-unlad ng bayan.
Iniulat naman ng Police Regional Office-Cordillera na ang naganap na eleksyon ay itinuturing na generally peaceful sa buong Cordillera. Ayon kay Police Brigadier General Israel Dickson, regional director, ang pagtatalaga ng magkasanib na puwersa ng pulisya at military, particular na sa lalawigan ng Abra ay napakalaking tulong para maisagawa ang malinis at tahimik na halalan sa rehiyon.
Hindi nito ikinaila na may ilang naitalang insidente ng harassment, paglabag sa liquor ban at vote-buying. “Isolated cases lamang ang mga ito.
Ang mahalaga ay walang election violence, mula sa araw ng eleksyon, hanggang sa maiproklama ang mga nanalong kandidato,” ani Dickson.
“I congratulate each and every one for the efficient performance coupled by individual sacrifices rendered if only to make sure that we will overcome any animosity that this elections may bring. Let us not put our guards down until the electoral procedure will culminate”, dugtong pa ni Dickson.
 
Zaldy Comanda/ABN

Amianan Balita Ngayon