LT sumailalim sa Regional Gawad Kalasag field validation

LA TRINIDAD, Benguet – Sa pagbisita ng Gawad Kalasag (Kalamidad at Sakuna Labanan Sariling Galing ang Kaligtasan) regional selection committee, ibinida ng La Trindad Municipal Disaster Risk Reduction and Management Council (MDRRMC) ang kanilang mga proyekto sa paghahanda at pagresponde sa iba’t ibang klase ng sakuna.
Ang Gawad Kalasag regional selection committee ay binubuo nina Office of Civil Defense (OCD) deputy for operations Jerome Paragas,  Disaster Risk Reduction focal person ng Department of Interior and Local Government (DILG) Mary Anne Griba at Disaster Risk Reduction focal person ng Department of Science and Technology (DOST) Hansi Dinumla.
Sa nangyaring field validation, inilahad ng mga miyembro ng regional selection committee ang kanilang pagsusuri at ang mga kailangan pang ayusin ng La Trinidad MDRRMC sa mga dokumentong kanilang ipinasa. Ang pagsusuri ay base sa apat na thematic areas ng Disaster Risk Reduction and Management na disaster prevention and mitigation, disaster preparedness, disaster response, at rehabilitation and recovery.
Ayon kay Mayor Romeo Salda, ang paglahok ng La Trinidad sa Gawad Kalasag ay mahalaga para sa kanilang munisipalidad. Ito raw ay magiging daan para sa pagpapaigi ng kanilang DRRM.
Aniya, layunin nilang makamit ang 90-95 na iskor. “We are the only municipality to enter the national level from our region,” dagdag pa niya. Kaya naman may pagtitiwala si Salda na mananalo ang La Trinidad sa Gawad Kalasag.
Ang Gawad Kalasag ay sinimulan noong 1998 ng National Disaster Risk Reduction and Management (NDRRMC). Naglalayon itong parangalan ang kahusayan sa DRRM at humanitarian assistance at upang kilalanin at himukin pa lalo ang mga ahensya at mga indibidwal na magkusang-loob sa pagtulong sa pagresponde sa iba’t ibang sakuna. Rozienna G. Rosales, UC Intern

Latest News

Amianan Balita Ngayon