1st Cordillera Film Fest, idaraos sa La Trinidad

LA TRINIDAD, Benguet – Idaraos ng bayan ng La Trinidad ang kauna-unahang Cordillera Film Fest sa Adivay Village area sa Wangal bilang bahagi ng pagdiriwang ng 2017 Strawberry Festival.
Ayon kay Valred Olsim, municipal tourism officer ng La Trinidad, layunin ng aktibidad na ipakilala sa mga manonood ang mga lokal na filmmakers ng La Trinidad. Sa paraang ito, matutulungan nila ang mga filmmakers na ipakita ang kanilang mga nagawang pelikula.
Libreng mapapanood ang mga tampok na pelikula tuwing hapon mula Marso 24 hanggang 26.
Ayon kay Olsim, iba’t ibang pelikula ang  mapapanood sa film fest. “Walang specific topic kasi yung mga pelikula na nagawa na nila ang mapapanood ng mga gustong manood,” aniya.
Kahit nakatuon ang aktibidad sa pag-promote sa mga filmmakers ng La Trinidad, inanyayahan pa rin ni Olsim ang ibang mga filmmakers at mga interesadong makilahok mula sa mga kalapit na lugar ng La Trinidad na makisali sa naturang aktibidad para maipakita rin nila ang kanilang mga nagawang pelikula.
Bagaman ito ang unang beses na ilulunsad ang naturang programa, inaasahan na marami ang dadalo lalo na sa mga lokal na filmmakers na gustong makilala ang kanilang mga pelikula. Tiniyak din ni Olsim na walang sisingilin na bayad mula sa mga manonood. Malou Aticao, UB Intern

Latest News

Amianan Balita Ngayon