2 rebelde, 17 taga-suporta, sumuko sa Mt. Province

LA TRINIDAD, BENGUET – Dalawang komunistang rebelde at 17 na sumusuporta sa mga rebelde ang sumuko sa Poblacion, Paracelis, Mountain Province noong hapon ng Abril 26 sa tinagurian ng awtoridad na pagnipis sa ranggo ng mga rebelde sa Hilagang Luzon.
Sina Rogelio Balanon Del Rosario alyas “Ka Eric”, 41, diumano ay squad leader, at Benny Lumidap Tuginay, alyas “Ka Manny”, 26, kapwa taga-Gonzaga, Cagayan, ay sumuko dakong 4:30 ng hapon sa mga pulis ng Paracelis at 54th Infantry Battalion ng Philippine Army.
Ayon sa ulat ay kabilang ang mga rebelde sa “Frank Guerilla Unit” na nakabase sa Gonzaga, Cagayan.
Maliban sa dalawa ay sumuko rin ang 17 kasapi ng “Militia ng Bayan” at nangakong tuluyan nang iiwan ang kilusan ng mga komunistang rebelde.
Isinuko nina “Ka Eric” at “Ka Manny” ang isang US carbine rifle na walang serial number; dalawang magazine ng carbine rifle; 10 piraso ng bala ng carbine rifle; isang M16 rifle na binura ang serial number; isang short metal magazine ng M16; at limang bala ng M16.
Ayon kay Cordillera police director Chief Supt. Edward Carranza, ang pagsuko ng mga miyembro ng komunistang rebelde ay nagpapakita lamang ng pagkabigo at pagkawala ng tiwala ng mga kasaping rebelde sa mga namamahala sa New Peoples Army, kaakibat ng takot sa nagpapatuloy at matinding opensiba ng pwersa ng gobyerno.
Habang malugod na tinanggap ni Caranza ang mga nais magbagong-buhay na rebelde kasabay ng pangakong ipagkakaloob ang pinansyal na tulong upang makabalik sila sa normal na pamumuhay ay sumumpa rin ang regional director na lalo pang paiigtingin ang mga hakbang ng awtoridad upang maprotektahan ang mga mamamayan mula sa kasamaan ng mga komunistang rebelde. AALEGRE / ABN

Amianan Balita Ngayon