3 bangkay ng babae na nakita sa Kennon Rd., iniuwi sa Pangasinan

ROSARIO, LA UNION – Kinilala na ng mga kamag-anak at naiuwi na sa Pangasinan ang tatlong bangkay ng babae na natagpuan sa dike ng northbound shoulder ng Kennon Road, Barangay Bangar, Rosario, La Union noong ika-8 ng Peberero 2017.

Ayon sa panayam ng Amianan Balita Ngayon kay Police Chief Inspector Bernabe Oribello, hepe ng Rosario, dakong alas diyes ng umaga nang may natanggap ang kapulisan na ulat sa pangunguna ni Zaldy Hill, 36 anyos, dump truck driver at nakatira sa Camp One.

“Ayon sa salaysay ni Zaldy, kasama nito ang kanyang grupo upang kumuha ng tubig sa ilog na kung saan ay dito niya nakita una ang dalawang babaeng nakabalot ng packaging tape ang kanilang mukha at sumunod ang isa sa di kalayuan na nakahandusay na agad naman itinawag sa aming himpilan,”ani Oribello.

“Karagdagan pa nito ay malinaw na itinapon ang tatlong biktima at sa ibang lugar isinagawa ang pagpaslang,” aniya.

Samantala, kinilala ang mga biktima na sina Evangeline Laocadio Ballesteros, 33; Marilyn Laocadio Sampaga, 29; at Belenda Salazar De Vera, 41, na pawang mga may-asawa at residente ng Barangay Bolosan, San Carlos City, Pangasinan.

Diumano ay nagpunta ang mga ito sa lungsod ng Baguio noong Pebrero 7 at hindi na umuwi hanggang sa natagpuan na lamang ang bangkay ng mga ito.

Inaalam pa ng otoridad ang motibo ng pagpaslang sa mga biktima. ABN

Amianan Balita Ngayon